Walang PLM Fair? So Unfair!
Written by Francis Irvin Gonzales • Board by Miaka Byonne Cha | 12 April 25
Isa sa mga inaabangang event ng mga estudyante ay ang UP Fair, isang music fest kung saan samu’t saring kilalang musikero ang nagtatanghal sa harap ng libong manonood. Ang mga tugtugin, trending man o old school, ay nagbibigay aliw sa mga magkakaibigan at magkaibigan. Ngunit ang pinakamakabuluhang gampanin ng event ay ang mga panawagan ng iba’t ibang progresibong grupo sa isyung panlipunang nakakaapekto hindi lamang sa mga mga nasa laylayan kung hindi pati ang mga payak na mamamayan. Para sa isang event na nagbubuklod-buklod sa komunidad, hindi maiiwasang maitanong ng mga PLMayers: bakit nga ba walang PLM Fair?
Para sa isang karaniwang mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), araw-araw na suliranin ang pagsulat, pagsagot, at pag-aaral. Isabay pa ang mga sumusulpot na isyu sa loob at labas ng silid-aralan, hindi na tumigil ang patong-patong na hadlang sa pangarap ng mga iskolar. Ang tanging kasiyahan sa loob ng Pamantasan? Ang mga pagdiriwang sa unibersidad na bilang sa kamay. Ang Foundation Week para sa pagkakatatag ng PLM, ang kani-kaniyang General Assembly o Foundation Week ng bawat kolehiyo, at ang iilang pagdiriwang sa katapusan ng taon. Para sa karaniwang iskolar, mahirap maghanap ng motibasyong mahahanap lamang sa komunidad ng kapwa estudyante.
Sa pagsulong ng komunidad, itinatanghal ang pagkakakilanlan ng bawat sektor ng lipunan. Isinasagawa ng mga organizer ng UP Fair ang ED Fest o serye ng educational discussions upang mabigyang plataporma at matalakay ang kasalukuyang sitwasyon o isyu sa sektor ng edukasyon, maralita, kababaihan, LGBTQIA+, pesante, manggagawa, katutubo, at kalakhang minorya, bukod pa sa mismong gaganaping music fest. Dito makikita na bago maging isang plataporma para sa pagtatanghal ng mga musikero, ang UP Fair ay plataporma para sa protesta.
Ang mga event tulad ng UP Fair ay kinakailangan ng paghahanda nang ilang buwan para makapaglikha ng kulang-kulang isang linggong pagtatanghal ng mga musikero. Higit sa koneksyon at lakas-tao, kailangan ng sapat na pondo para sa pagpaplano. Natutugunan ito ng mga sponsors at mga Alumni ng Unibersidad ng Pilipinas, isang pribilehiyo na hindi matamo ng Pamantasan.
Hindi lamang ang ganitong mga event, kulang ang pondo para sa mismong pag-aaral ng mga estudyante; ang pangunahing serbisyo na masugid na inilalaan ng unibersidad. Paano masisimulan ang PLM Fair kung maging pondo sa mga silid-aralan at pagpapasahod sa mga guro ay hindi matugunan?
Hindi maikakaila na ang pagkaroon ng PLM Fair ay huli sa mga alalahanin ng PLM. Isang event na kinakailangan ng paghahanda nang ilang buwan at malaking pondo para maisakatuparan na magsisilbi “lang” bilang motibasyon ng mga estudyante. Ngunit ito ay higit pa sa motibasyon ng mga estudyante, nagsisilbi ang UP Fair bilang isang daluyan ng mga progresibong plataporma. Mula sa isyu ng edukasyon at trabaho, hanggang sa isyu ng kalikasan at soberanya, nabibigyan ng panahon para maiboses sa harap ng libo-libong tao ang mga suliraning marahil ay hindi nalalaman ng karamihan. Sa isang unibersidad na mayroong mga estudyanteng mula sa magkakaibang uri ng pamumuhay tulad ng PLM, ang pagkakataong maibahagi ang karanasan ng kani-kaniyang komunidad ay isang malaking hakbang para sa pagpapatibay ng komunidad ng mga estudyante.