Walang eleksyong iisa lang ang opsyon
Written by Jan Rennie Abat • Board by John Ivan Pasion | 2 October 24
Konseho ang siyang kumakatawan sa nagkakaisang apat na samahan (societies) ng Kolehiyo ng Agham (College of Science). Gayunpaman, ang agarang pangangailangan upang magkaroon ng mga lider ay hindi dapat sapat upang lapastangin ang pinakadiwa ng demokrasiya– ang ating karapatang bumoto.
Inatasan kaming dumalo, ang mga block officers ng kursong Biology, Mathematics, Chemistry at Psychology, sa College of Science Block Officers’ Assembly noong ika-23 ng Setyembre. Kasama rito ang mga pangunahing opisyal ng apat na pang-akademikong samahan. Batid naming mga panauhin na mayroong eleksyong magaganap, kaya naman ay nakilahok kaming kilatisin ang mga itinaas ang mga sarili upang mamuno. At sa mahigit tatlong oras ng mabilisang pagpresenta ng mga plataporma at pangangampanya, ganoon na lang din ang aking gulat nang sabihing walang opsyong abstain.
Pagkalito, pangkukwestyon, at galit sa sistema ang unang tumakbo sa aking isipan dahil sa loob ng mga oras na iyon–bago ang botohan–kami ay pinaniwalang pagkatapos ng lahat ay may karapatan kaming magdesisyon. Inatasang isantabi ang aming mga klase, inobligang maglaan ng oras para sa “eleksyon”, hiningan ng mga tanong na pwedeng ibigay sa mga kumakandidato, at may maiksing panayam pa ukol sa aming mga reaksyon at saloobin sa kanilang mga sagot. Pinagkatiwalaan namin ang huling termino ng konseho na kaya nilang irespeto ang aming karapatang bumoto. Sana ay pinagkatiwalaan din nila kaming mga lider na kaya naming maniwala sa kapasidad ng mga susunod na mangunguna samin. Dahil kung alam ko lang ding kami ay tatraydurin, hindi na sana ako dumalo.
𝗦𝗢𝗣𝗜𝗦𝗠𝗢𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗠𝗔𝗕𝗔𝗟𝗢𝗧 𝗦𝗔 𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜 𝗣𝗔𝗚𝗟𝗔𝗛𝗢𝗞
Ilang minuto bago buksan ang gforms upang makaboto, tumindig si outgoing College of Science-Student Council (CS-SC) Vice President Sean Emmanuel Florendo sa harap ng entablado upang ipaliwanag saamin kung bakit walang abstain. Sunod-sunod na pahayag na binabalot ng sopismo (fallacy) ang kanyang mga binitawan. “This is my opinion, but if you abstain then you should be running for the position” Isang false dichotomy na hinaluan ng ad hominem upang atakihin at takutin kaming mga nais isaboses ang karapatang bumoto at mamili. Kaniyang ipinaparating na ito lang ang aming magagawa, buong kaloobang binabalewala ang ibang makatarungang pagdadahilan kung bakit mas matimbang ang pag-abstina.
Maaaring nagkulang sa pagsagot ng mga katanungan. Maaring nabigo lamang sa paglalahad ng maayos na plataporma. Maaaring lingid lamang ang kaalaman at karanasan sa pusisyong tinatakbuhan. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit sa posisyong iisa lang ang kumakandidato ay mas pinipili ng mga estudyanteng hindi sila iboto. Hindi naman ibigsabihin nito na ipinupuntirya na agad, katulad na lamang ng mga parating ng dating bise. Ang paghangad para sa maayos na pamumuno sa pamamaraan ng pag-abstina ay hindi kawalan ng galang sa tumatakbo.
Mistulang sapilitan, ginamit bilang resibo ang pagsagot sa gforms para ikaw ay palabasin sa Bukod Tanging Bulwagan sa oras ng lunch break. Sa aking pagboto, mabigat sa pakiramdam kong ipinasa ito kahit na sa kaibuturan ng aking isipan, kalapastangan pang piliin ang pangalang hindi naman ako kumbinsido sa inaalay na kakayahan.
Matatandaang sa araw ring ito, mayroong anonymous post sa Tambayan na kumwe-kwestyon din sa eleksyong naganap at kung bakit daw hindi ito binuksan sa lahat ng mag-aaral na sakop ng aming kolehiyo. Ayon kay Prof. Jennifer Sy, ang dating adviser ng konseho, hindi na ito maaaring gawin dahil lipas na ang panahon ng botohang panglahatan. Aniya’y dapat isinagawa na ito noong nakaraang pang-akademikong taon pa, kung saan sa aming sitwasyon, ay wala namang tumakbo.
𝗗𝗔𝗛𝗜𝗟𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗞𝗔𝗪𝗔𝗟𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗟𝗜𝗗𝗘𝗥
Bakit nga ba kasi walang tumatakbo? Bakante ang lahat ng posisyon sa konseho ng College of Science noong nakaraang halalan sa buwan ng Mayo para sa taong 2024-2025. Bago pa maganap ang nasabing pagtitipon ng mga estudyante-lider, tanging ang aming kolehiyo na lamang ang wala pang student council.
Dagdag pa rito, kung ikaw ba naman ay araw-araw pagtambakan ng mga gawain, linggo-linggong may pagsusulit, at nakararanas ng pagmamalabis sa ibang dalubguro’y talagang hindi mo na maiisip tangkaing maglingkod sa konseho. Ang nabubulok na sistema sa aming kolehiyo ang pangunahing kadahilanan kung bakit ang mga lider na siyang may sapat na kakayahan, kaalaman, at karanasan ay pagod na. Ito ang dahilan kung bakit naupos ang dating nagliliyab na kagustuhang maglingkod.
Kaakibat ng pangyayaring ito ay ang pagkakaroon dapat ng internal elections ng CS-SC noong ika-12 ng Hunyo kung saan mayroon namang mga estudyanteng nagpasa ng kanilang aplikasyon sa bakanteng posisyon. Gayunpaman, hindi na ipinaalam pa sa mga mag-aaral at sa mga nagsumite kung bakit ito hindi natuloy.
At sa kabiguan ng nakaraang termino na agarang makahanap ng susunod na magpapatuloy ng kanilang tungkulin, nahihirapang gumalaw at magpatuloy ang mga pang-akademikong samahan sa kanilang mga proyekto. Ang proseso ng eleksyong dapat ay maayos na isinasagawa ay minamadali na lamang. Bagkus, kinailangan ang ganitong klaseng botohan– walang abstain at wala ang presensya ng COMELEC, ang malayang konstitusyon ng estudyanteng may responsibilidad at kapangyarihang pangunahan ang lahat ng mga eleksyon ng konseho. Ngunit dahil nga isa itong “internal elections”, ang tanging hakbang na lamang ay maghain ng pormal na petisyon sa COMELEC upang masiguro ang kanilang presensya.
Gayunpaman, buo pa rin ang aking paniniwala. Hindi dapat nila ito tinawag na eleksyon kung sa dulo’y wala rin naman pala kaming karapatan. Dahil kung irarason niyo lamang na kaya kami ipinatawag ay para ipakita ang aming suporta sa mga bagong inihalal, hindi niyo iyon buong makukuha sa isang eleksyong pangalan lang nila ang opsyon. Kung siguro’y sa umpisa pa lamang ay sinabi na sa amin na sa kabila ng mga kakulangan ng kung sinumang tatakbo ay piliin naming maniwala sa kanilang mga plataporma, kakayahan, at katapatan– kasama ang paggabay ng papaalis na konseho, maaari ngang makuha pa ng bagong termino ang kabuuan ng aming suporta. Maaaring nabigyan pa kami ng pag-asa.
𝗣𝗔𝗧𝗨𝗡𝗚𝗢 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗔𝗬𝗢𝗦 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗨𝗡𝗨𝗡𝗚𝗞𝗨𝗟𝗔𝗡
Layunin ng artikulong itong iboses ang karapatan at ang nararapat na proseso ng eleksyon. Hindi nito intensyong atakihin at kamuhian ang mga susunod na mangunguna sa mga mag-aaral, kundi ang sistema. Hindi natin kasalanan kung bakit kasalukuyang hindi sapat ang bilang ng ating mga estudyante-lider.
Kung papalampasin lang natin ang pagtanggal sa ating karapatang mamili habang botohan, nawa ay huwag nating kalimutan ang pangdudustang ito. Dahil kung sakaling sa susunod na taon ay wala nanamang gustong tumakbo sa panahon ng eleksyon, di malayo ang katotohanang uulit-ulitin na lamang ito. At kung ito ay hinayaan sa isang kolehiyo, hindi malabong hahayaan din ito sa buong Pamantasan kung nagkataon. Mahalaga ang kapangyarihan ng pagboto, at walang sinuman ang may karapatang kunin at isauli ito ayon sa kanilang kagustuhan.
Kung sana’y ang panimula ng pagpupulong na naganap ay pagpapakatotoo. Kung sana’y ipinaintindi una pa lamang na sa pagkakataong ito, pinakakinakailangan ang suporta ng bawat isa upang makabuo ng konseho. Siguro nga’y hanggang sa dulo ay naging matagumpay kayo na kami ay pagkaisahin. Siguro’y nagawa niyo pang muling sindihan ang kagustuhang maging lider ng iba kahit na ito’y kislap lang.
Sa huli, ang tanging hiling lang din naman natin ay ang yumayabong na demokrasyang may patas na halalan upang magkaroon ng konseho– isang may maayos na pamamalakad, may sapat na kakayahan, at may pusong dinggin ang pangangailangan ng mga mag-aaral.
PAALALA: Ang mga pananaw at opinyon ng manunulat ay hindi sumasalamin sa kabuuang damdamin ng publikasyon, o naglalayong siraan ang anumang organisasyon, relihiyon, grupo, kapisanan, o sinumang indibiwal.