Tungkuling Walang Gantimpala
Isinulat ni Francis Irvin Gonzales • Ilustrasyon ni John Ivan Pasion | 28 December 24
Kilala ang Nobel Prize bilang gantimpalang ipinagkakaloob sa mga taong nagkaroon ng malaking ambag sa kabutihan ng sangkatauhan gamit ang kanilang talino nang nagdaang taon. Sa higit isang siglo magmula ng pagkakatatag, ang Nobel Prize ay ipinagkaloob sa humigit-kumulang tatlumpung organisasyon at halos isang libong indibidwal– kabilang na si Maria Ressa na binigyan ng Nobel Peace Prize noong 2021 para sa kaniyang tunguhing malayang pamamahayag.
Sa kaniyang mga sulating tumutuligsa sa administrasyong Rodrigo Duterte nakilala si Maria Ressa. Magmula 2015 ay nagsusulat na ng mga artikulo si Ressa tungkol sa nakakasurang pananalita sa kababaihan at represibong pamumuno ni Rodrigo Duterte. Lalo na sa madugong War on Drugs ng dating pangulo kung saan kinilala ang Rappler, na co-founder si Ressa, bilang pangunahing pahayagang lantarang kritiko sa pang-aabuso ng karapatang pantao.
Nananatiling mahalaga sa pagdadala ng balitang nakakapukaw ng isip ang gampanin ng Rappler at ni Maria Ressa ngayong mayroon pa ring Duterte ang nakaluklok sa isa sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Nitong mga nagdaang linggo, nakita ng mga Pilipino ang pagsisiwalat sa pamumunong nagsisilbi sa sariling interes ng pamilya Duterte. Mula sa pag-iwas sa mga katanungan tungkol sa confidential funds at walang pakundangang pagbanta sa buhay ng Presidente ni Sara Duterte. Hanggang sa pagbunyag sa pagkakaroon ng reward system para sa mga pulis ng dating pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang War on Drugs. Walang makatatanggi na mayroong pinagmanahan ang kasalukuyang Bise Presidente sa kaniyang mga pagbabanta, lalo na sa kaniyang baluktot na liderato.
Ngayong mayroong nakasampang dalawang kaso ng impeachment kay Bise Presidente Sara Duterte, patuloy ang tungkulin ng mga pahayagan at mamamahayag na magsulat at mag-ulat nang may kinikilingan, ang taumbayan. Kung mayroon mang napatunayan si Maria Ressa sa kaniyang pagkapanalo ng Nobel Peace Prize, ito ay ang matarik na daang tatahakin sa laban para sa tunay na malayang pamamahayag. Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., hindi bababa sa 10 mamamahayag ang pinaslang, karagdagang patunay na ang Pilipinas ay nananatiling mapanganib para sa mga mamamahayag.
Maalala na sa ilalim ng nagdaang administrasyong humarap sa samu’t saring patutsada at paninirang-tao si Maria Ressa. Naging mukha ng mapangmatyag na balita, hinarap ang mga kasong kriminal at mga paratang bunga ng mga sulating salungat sa populistang retorika at kontra sa kumakalat na propaganda sa social media. Dahil dito, binigyang parangal si Maria Ressa sa kaniyang pagsusulong sa malayang pamamahayag–ang mabalasik at walang takot na pamamahayag ay humantong sa pagiging natatanging Pilipinong Nobel Laureate.
Hindi natapos ang laban para sa tunay na malayang pamamahayag nang matanggap ni Maria Ressa ang isa sa pinakamimithing gantimpala sa mundo. Gaya ng pangungurakot sa kaban ng bayan at huwad na pamumuno, hindi rin dapat tumitigil ang kritisismo ng taumbayan sa pamamalakad ng bansa. Makatwiran at makatarungan ang pagkuwestiyon sa pamamahala ng anumang administrasyon, lalo na kung sinasaklaw nito ang karapatan ng taumbayan.
Sa nagdaang ika-10 ng Disyembre, kung kailan ibinabalita ang pagtanggap ng Nobel Peace Prize, gawing huwaran ang mga matatapang na mamahayag na patuloy na nagsisiwalat sa katotohanan sa kabila ng pangambang mawalan ng kabuhayan o buhay. Patuloy na maging mapangmasid sa isyu ng bansa, lalo na sa kaban ng bayan, kasarinlan, at kaligtasan ng kapwa Pilipino. Ang pagiging kritikal sa gobyerno ay hindi nangangailangan ng anumang gantimpala kung hindi mabuting pamamahala.