Regalo para sa mga guro: Bala o Yeso?
Isinulat ni Francis Irvin Gonzales • Ilustrasyon ni John Ivan Pasion | 19 October 24
Hindi na bago sa ating mga Pilipino ang pagpapahalaga sa ating mga pangalawang magulang. Maaalala na nitong nagdaang pagdiriwang ng araw ng mga guro, samu’t saring regalo ang natanggap ng ating mga titser. Mayroong kalendaryo, payong, at keyk. Dagdag pa rito ang tsokolate, libro, at bulaklak. At sa mga lugar na siyang malayo kabihasnan– rehas, bala, at bomba. Sa araw kung saan ginugunita ang kanilang papel sa pagbuo at pagpapaunlad ng lipunan, tila nalilimutan ang mga guro ng kanayunan. Ngayong pagtatapos ng buwan ng mga guro, tuluyan na nga bang nakalimutan ang madugong propesyon ng mga Gurong Lumad?
Tinatahak ng mga gurong Lumad ang matarik na daan ng pagtuturo sa mga katutubong mamamayan nang walang alinlangan, bitbit lamang ang mga yeso, pisara, at panulat. Ang kakulangan sa materyales, kawalan ng silid-aralan, at sapat na pondo sa mga paaralan sa kanayunan ay tila normal na para sa mga gurong Lumad. Pinagpatuloy nila ang pagpupursigi sa kabila ng pagpapasara ng higit 200 na paaralang Lumad mula 2016 sa ilalim ng administrasyong Rodrigo Duterte.
Tumugon sa pangangailangan sa edukasyon ng mga kabataang katutubo ang pagpapatayo ng mga “bakwit schools” o mga pansamantalang paaralan sa iba’t ibang komunidad, malayo sa militarisasyon sa kanilang lupang ninuno. Ang mga gurong Lumad at mga guro ng iba pang katutubong komunidad, bagamat humaharap sa samu’t saring panunupil ng sariling estado, ay patuloy na sinusuong ang matarik na bulubundukin ng kanayunan sa pag-asang mapabuti ang hinaharap ng kabataan dito.
Para kina Chad Booc at Jurain Ngujo II, sapat na motibasyon na ang kabataan para maganyak na maging boluntaryong guro ng katutubo kahit na malayo ang mga komunidad ng Lumad para sa mga karaniwang guro. Ang sagot ng estado sa pag-aalay ng mga gurong ito? Pagpapakulong at pangreredtag sa mga guro, pamamaril sa mga bakwit schools, at pambobomba sa komunidad ng mga katutubo.
Nakilala ang New Bataan 5 bilang isang grupo ng mga boluntaryong guro, community health worker, at drayber na pinaslang sa engkwentro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa New Bataan, Davao de Oro noong Pebrero ng taong 2022. Ang mga martir na pinaslang sa lupang ninuno tulad ng New Bataan 5, na kinabibilangan nina Chad Booc at Jurain Ngujo II, ay nagpapaalala sa atin na ang propesyon ng pagtuturo ay madugo sa kasalukuyang panahon. Kaakibat ng panawagang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa ay ang pagbibigay ng hustisya sa mga martir na gurong Lumad at mga guro ng katutubong komunidad.
Walong taon na nang magsimulang ipasara ang mga paaralang Lumad at dalawang taon na mula nang paslangin sina Chad Booc at Jurain Ngujo II, kabilang na ang New Bataan 5, ngunit nananatili pa ring mailap ang hustisya.
Para sa isang bansang taunang ipinagdiriwang ang mga guro, pawang mapagkunwari ang pagbati sa mga sakripisyo ng guro habang hindi nilulutas ang mga ugat ng kanilang dinadaing. Marapat lamang na ibalik ang nakapanlulumong PHP14 bilyon na tapyas sa badyet ng mga State Universities and Colleges (SUCs) para sa taong 2025, taasan ang pondo ng mga guro, itigil ang neoliberal na sistema sa kagawaran ng edukasyon, at panagutin ang AFP sa pagpaslang sa mga gurong Lumad. Hindi nito maibabalik ang buhay ng mga namartir na guro, ngunit magbibigay-daan ito sa pagpapabuti sa propesyon ng mga guro.
Masyadong maikli ang nagdaang pandaigdigang araw ng mga guro upang ipagdiwang ang mga sakripisyo ng mga guro sa buong mundo. Sa kalungsuran o kanayunan man, tila binibigyang liwanag lamang ng pagdiriwang ng araw ng mga guro ang mga puwang sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa halip na bigyang punyagi sila sa kanilang dedikasyon sa pagtuturo. Mula sa pagiging janitor sa Brigada Eskwela hanggang sa pagiging klerk tuwing bigayan ng class cards, nariyan ang mga guro para mapagtuunan ng pansin ang mga estudyante. Sa bawat sakunang sumisira ng mga paaralan at mga materyales sa pagtuturo, sila ang nagkukusang-loob para mapunan ang pagkukulang ng pamahalaan sa edukasyon ng kabataan. At sa kabila ng banta sa buhay, matapang na hinaharap ang propesyon kahit na ang pagtuturo ay nakadepende sa isang kalabit lang ng gatilyo. Hindi masisisi ang mga gurong naghahanap ng mas mabuting oportunidad abroad kung taunang pinapaalala ang kapalpakan ng pamahalaan sa sistema ng edukasyon.
Maliwanag na ang propesyong humuhubog sa susunod na henerasyon ay patuloy na binabalewala, isinasantabi, at sinusupil, sa kalungsuran o kanayunan man. Kung tunay nating pinahahalagahan ang mga guro, hindi na dapat kasama ang rehas, bala, o bomba sa mga regalong handog sa kanilang araw. Sa paggunita natin sa ating mga pangalawang magulang, huwag kalimutang tanungin ang sarili kung ano nga ba ang tunay nating ipinagdiriwang: ang mga pagkukulang sa sistema o ang kagalingan ng mga guro sa kabila nito?
PAALALA: Ang mga pananaw at opinyon ng manunulat ay hindi sumasalamin sa kabuuang damdamin ng publikasyon, o naglalayong siraan ang anumang organisasyon, relihiyon, grupo, kapisanan, o sinumang indibiwal.