Pribelehiyong Hindi Patas
Written by Vince Villanueva • Board by John Ivan Pasion | 3 October 24
Isinagawa noong nakaraang Setyembre 30 ang Orientation and Certificate Awarding Ceremony of Re-accreditation at muling pagkilala sa mahigit 56 na organisasyon sa loob ng Pamantasan sa pangunguna ng PLM Office of Student Development and Services (OSDS).
Marahil isa ka rin sa mga kasapi ng mga organisasyong ito. Baka nga hindi lang isa o dalawa, baka tatlo o higit pa, sapat lang na matawag kang “BS Org”, ngunit higit sa ideya ng pagkakaroon ng maraming sinasalihang mga organisasyon ay kaakibat din nito ang mga pribilehiyong limitado sa iilan dahil napagsasamantalahan ng karamihan.
Kung tutuusin, pribilehiyong maituturing ang pagsali sa mahigit isang organisasyon.
Maraming naghahangad na makasali sa mga organisasyon subalit hindi lahat ay may sapat na oras at oportunidad. Ilan dito ay ang ating mga kapwa Haribon na working student.
Bukod din sa oras, malaking sakripisyo rin ang paglalaan ng pera lalong higit sa mga biglaang gastos sa mga kailangang bilhin at sa mga pampamasahe bunsod ng ‘di ring inaasahang mga meetings sa Pamantasan, dahilan upang maglabas ng pera mula sa sariling bulsa.
Gayundin, isa rin sa palaging bitbit ng mga working student ay ang pagbabalanse ng trabaho at pag-aaral. Nariyan ang palagiang pagkakasabay ng mga gawain sa paaralan at mga gawain sa trabaho na hindi naman maaaring iwanan. Kayod dito, kayod doon at ginagawang araw ang gabi matustusan lang ang mga pinansyal na pangangailangan pang-araw araw.
Madalas ngang sinasabi, hindi buo ang college life kung hindi naranasang maging parte ng kahit anong organisasyon. Higit kasi sa mga makukuhang karanasan sa mga gawain at mga matutuhang kakayahan, ang pagsali sa mga organisasyon ay pagkakataon upang makahanap ng espasyo kung saan sila tanggap at pagkakaroon ng pamilya sa loob ng Pamantasan.
Ang oras na pwede na sanang ilaan para sa paglago ng sarili at makakilala ng kaibigan at pamilya ay napapalitan ng pagpili sa trabaho dulot ng pangangailangan at kahirapan. Isama pa ang problema sa pamilya at mga personal na rason na hindi lang nakakaapekto sa pagsali sa organisasyon bagkus ganun din sa pang-akademikong estado. May talino’t husay mang maiaambag subalit hindi lahat ay may parehong oportunidad at estado ng pamumuhay.
Sa katunayan, marami rin sa ating mga kapwa Haribon ang hilig ang pagsusulat, paglalaro ng anumang isports, at pagguguhit subalit mas pinipili na lang ang pagsasantabi ng kanilang kakayahan buhat ng kakulangan sa oras dahil sa trabaho at pag-aaral. Mga hobby man kung ituring subalit napapalitan na lamang ng paghahangad na makasali sa iba’t ibang organisasyon kasama ang mga Haribong may sapat na oras at kakayahan.
Marami ring naghahangad na makapaglingkod subalit iilan lamang ang naihahalal. Bagama’t ang ilan ay nakatatakbo sa anumang posisyon, hindi lahat ay nanalo. Malaking bahagi sa isang organisasyon ang posisyon subalit may mga pagkakataong nagagamit ito sa pansariling kapakinabangan o “clout” dulot ng malawakang presensyang kaakibat ng posisyon na ito. Marami sa mga may posisyon ay pinagsasamantalahan ang oportunidad upang mapabango ang sarili subalit tila nalilimutan na sa pribilehiyong kanilang bibit ay ang kaakibat na responsibilidad sa mga mag-aaral ng Pamantasan.
Dagdag pa rito, marami ang naghahangad mapakinggan subalit iilan lamang ang nadidinig. Pribilehiyo na ngang sila ay may kakayahang maging bahagi ng konseho, sana ay huwag din nilang kalimutang isa sa mga responsibilidad ng mga organisasyon ay ang pagdinig at pagiging mulat sa mga hinaing ng makamasang estudyante. Sila ang maging katawan para sa pagtindig sa mga hinaing at mga problemang dapat masolusyunan, hindi ang maging dagdag problema at maging laman ng mga kaliwa’t kanang isyu.
Malaking bahagi man ang mga organisasyon sa pagbuo ng sariling kakayahan at husay, subalit hindi natatapos sa kolehiyo, problema sa pera at pamilya ang pag-abot ng pangarap.
Maaari pa ring maipagpatuloy ang mga hobby sa pamamagitan ng paggamit nito sa mga takdang aralin o ‘di naman kaya sumali sa mga paligsahan. Marami man ang nagnanais na maglingkod o tumulong sa pamamaraan ng mga organisasyon, iilan lamang ang may oras at kakayahang pinansyal para dito. Gamitin ng mga estudyante-lider ang kanilang pribilehiyo hindi para sa pansariling kapakinabangan bagkus upang mas pagliyabin ang puso sa pagseserbisyo sa Pamantasan sapagkat maraming iba ang nangangarap sa kung anong posisyong mayroon sila.
Mainam kung isantabi ng mga estudyante-lider ang paggamit ng organisasyon bilang simbolo ng clout at sa halip ay pairalin ang tunay na pagbibigay serbisyo at paglilingkod sa Pamantasan. Maging bukas din ang pag-unawa at pagyakap ng mga organisasyon at ang buong Pamantasan sa ating mga Haribong pinipiling pagsabayin ang trabaho’t pag-aaral. Dumating din nawa ang pagkakataon at oras na lahat ng mga estudyante ay may patas na oportunidad na sumali sa mga organisasyon, buuin ang sarili bago sumabak sa reyalidad ng mundo, sulitin ang buhay-kolehiyo at magkaroon ng maituturing na pamilya sa loob ng Pamantasan.