Para lang sa tabi, PUVMP iwaksi!
Written by Alessandra Frianela • Board by John Ivan Pasion | 28 December 23
Bilang na lamang ang nalalabing mga araw bago sapilitang matanggalan ng ikinabubuhay ang ilang tsuper at mga operator sa ating bansa. Tila ba inilalagay sa bingit ng kamatayan ang mga simpleng mamamayang walang ibang hangad kundi ipaglaban ang kanilang karapatan. Imbes na ang maging hakbangin ay para sa kanilang ikabubuti, tuluyan lamang silang hinahatak pababa sa laylayan. Bunsod nito, PUVMP ay dapat nang ibasura!
Matatandaan na noong Hunyo ng taong 2017 nang magsimulang umugong ang mga usapin ukol sa hangarin ng pamahalaan na gawing moderno ang mga pampublikong transportasyon sa bansa. Ito’y sa pamamagitan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na pinamumunuan ng ahensya ng Department of Transportation. Ito ay nakapaloob sa Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance o sa paraang payak, ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Ilan sa hangarin nito ang pagkakaroon ng regulatory reform at industry consolidation sa bansa. Kalakip sa layunin nito ang pag-phaseout sa iba’t-ibang PUVs, kabilang na ang mga tradisyunal na jeepneys, na lubhang makaaapekto sa kabuhayan ng mga drayber at operator, maging ng mga ordinaryong komyuter.
Ang programang ito ay naglalayon ding ipantay ang sistema ng pampublikong transportasyon ng bansa sa maituturing na global na pamantayan. “The program aims to fundamentally transform the public transport system in the country making both commuting and public transportation operations more dignified, humane, and on par with global standards,” ayon ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa tila maambisyong modernisasyong ito, maganda man ang hangarin, palpak naman ang magiging paraan ng implementasyon nito. Unang una na diyan ang mataas na presyo ng bawat yunit ng mga modern jeepneys na tinatayang aabot sa 2.2 hanggang 2.8 milyon. Kung ikukumpara sa presyo ng mga tradisyunal na jeepney sa ating bansa na nagkakahalaga lamang ng P200,000 hanggang P600,000, walang dudang magdudulot ito ng malaking pasanin sa bawat tsuper at operators sa bansa. Bilang resulta, mataas ang tyansang umabot na sa P40 ang pasahe na lubos na makaaapekto sa mga komyuter.
Mahalagang maidiin din na maaaring manaig ang importasyon sa programang ito kung saang nakasisigurado na mga malalaking negosyante at banyaga lamang ang tila makikinabang. Lubos na makabubuti kung imbes na umangkat pa, tangkilikin na lamang ang mga lokal na materyales na mayroon ang bansa. Napakaraming Philippine jeepney manufacturers na maaaring tumugon sa programang ito at sa ganitong paraan ay mabibigyan pa ng hanapbuhay ang ating kapwa Pilipino.
Dagdag pa rito, ang tinatawag na industry consolidation ay isang masalimuot na sistemang kikitil sa hanapbuhay ng mga maliliit na operator. Inuudyok nito ang mga drayber at operator na magsama-sama sa ilalim ng mga korporasyon o kooperatiba. Maaari lamang silang makakuha ng prangkisa kung ang kooperatiba ay mayroong hindi bababa sa labinlimang yunit ng PUVs. Paano na ang mga operator na hindi kakayaning sumunod sa kinakailangang kwalipikasyon?
Isa sa nilatag na solusyon ng LTFRB ang tulong na inaalok sa mga operator sa pamamagitan ng mga government financing institutions tulad ng Landbank of the Philippines at ang Development Bank of the Philippines. Paniniwala nila na sa tulong ng mga loan, makakayanan ng mga operator na bayaran ang napakamahal na halaga ng bawat yunit ng PUVs. Isa pa sa iminungkahi ng pamahalaan ang tinatawag na 5-6-7-8 na financing package; 5 - porsyentong halaga ng kabuuang downpayment; 6 - porsyento ng interes; 7 - taong bayaran; at P80,000 na subsidiya sa bawat yunit. Tulong nga ba o maihahalintulad sa isang kumunoy ang inilalatag na plano ng gobyerno? Kumunoy na kalaunang magbabaon sa mga pobreng mamamayan.
Hindi makatao ang pagsulong sa naturang programa para sa mga uri ng taong ginagawa naman ang lahat para lang maitaguyod ang kanilang pamumuhay sa isang marangal na pamamaraan. Sa kakarampot na kinikita ng mga drayber at operator, paano nila makakayang pasanin ang problemang ipinapataw sa kanila ng ating pamahalaan? Malinaw na ang modernisasyong isinusulong ay hindi para sa mga simpleng mamamayan. Higit sa lahat hindi ito para sa mga indibidwal na lumalaban ng patas sa buhay. Ito ay isang nagbabalatkayong programang sumusuporta lamang sa mga interes ng mga mapang-abusong tao sa ating bansa.
Malinaw na ito’y isang estilo ng panlalamang dahil kapag hindi na kaya pang tustusan ng mga operator ang magiging gastusin para sa modernisasyong ito, kinakailangang sumali na sila sa mga kooperatiba at isuko ang kanilang mga prangkisa. Paano na lamang ang mga pamilyang kanilang binubuhay? Imbes na madagdagan ang mga Pilipinong umaangat, lalo lamang madadagdagan ang mga mamamayang masasadlak sa kahirapan.
Isa pang tinutumbok na suliranin ng programang ito ang banta ng climate change na nakaaapekto sa buong mundo. Katwiran ng pamahalaan na sa tulong ng programang ito, mababawasan ang polusyon na nararanasan sa bansa. Dalawang porsyento lamang ng kabuuang rehistrong sasakyan sa Pilipinas ang mga dyip. Tinatayang 9 milyon ang mga rehistradong sasakyan sa Pilipinas, sa kabuuang bilang nito, mahigit 250,000 lamang ang bilang ng mga jeepneys.
Hindi naman tamang isisi lamang sa mga dyip ang polusyon kung ang katotohanan naman ay maituturing na “car-centric” ang bansa. Ayon pa sa Center for Energy, Ecology and Development, magiging bale-wala lang ang modernisasyon kung ito ay nakatuon lamang sa dyip kumpara sa dami ng pribadong sasakyan sa bansa. Kung tunay na nais iwaksi ang polusyon, nararapat lang din na isailalim sa regulasyon, modernisasyon, at iba pang patakaran ang mga pribadong sasakyan.
Kung ang isinusulong ay para sa mas ligtas, mas mabisa, mas maginhawa, abot-kaya, pabor sa klima at angkop sa pangangalaga sa kalikasan, bakit hindi na lamang isailalim sa rehabilitasyon ang mga tradisyunal na jeepneys upang makapasa sa lokal at global na pamantayan? Hindi mapagkakailang mas makakayanan ng mga maliliit na operator ang gastos para rito. Tiyak ding pasok pa rin ito sa layuning mapaganda ang sistema ng transportasyon sa ating bansa. Sa halip na ang hakbangin ay maging malupit, bakit hindi natin ito gawing makamasa ng sa gayon ay maging pabor para sa lahat?
Huwag din nating kalimutan na ang mga jeepney ay parte na ng kultura ng Pilipinas dahil kumakatawan ito sa ating kasaysayan at pagkamalikhain ng mga Pilipino. Taong 1940s nang magsimulang bumyahe sa bansa ang mga dyip. Karaniwan itong gawa sa stainless steel na materyal na pinapalamutian ng ibat’-ibang dekorasyon, mural, at maging ang tanyag na mga kabayo na inilalagay sa hood at visor nito. Madalas itong mailarawan bilang madali at murang mukha ng transportasyon. Sa kabila nito, tinatawag din itong maingay, madumi, at mapanganib ng ibang tao. Bagamat maraming pumupuna sa mga ito, kung tuluyang mawawala ang mga jeepney sa ating mga kalsada, mawawala na rin ang isang malaking bahagi ng ating pagka-Pilipino.
Bilang isang mamamayan at simpleng mag-aaral, masasabi kong lubos akong maaapektuhan sa oras na maisakatuparan na ang naturang programang ito. Malayo ang aking tirahan sa Pamantasang aking pinapasukan kung kaya’t ako’y nakaasa sa mga dyip para makarating sa aking paaralan. Mas pinipili ko ang mga dyip dahil sa pagiging accessible at mura nito. Kung susumahin, talaga namang napakamahal na ng pamasahe kung ikukumpara sa mga nagdaang taon. Ngunit sa oras na mapatupad na ang PUVMP, mas lolobo ang pamasaheng papasanin ng bawat mamamayan.
Sa kabila ng mga tigil pasadang isinagawa ng iba’t-ibang grupong kinabibilangan ng mga drayber at operator, maging sa mga mobilisasyong ginawa ng iba pang mga pangkat, makikita pa rin ang tila pagbubulag-bulagan ng mga taong nasa posisyon. Ang mga panaghoy ay hindi na umeepekto sa kanila. Ang patuloy na pagkakaroon ng 'transport strike' ay nagsisilbing patunay na mayroong karapatang nasusupil ang mga taong nasa kapangyarihan.
Sa pagbubukas ng taon, higit 140,000 jeepney drivers, 60,000 operators, at milyon-milyong komyuter ang haharap sa isang matinding hamon ng buhay. Isa lamang ang natitiyak ko—hindi ang magastos at hindi lubos na napag-aralang modernisasyong ito ang magpapaayos sa maituturing na bulok na sistema ng transportasyon sa ating bansa. Sa napipintong 'phaseout' sa mga hari ng kalsada nawa'y mahabag man lang tayo sa magiging kasasadlakan ng pampublikong transportasyon, at higit sa lahat, para sa buhay ng mga tsuper na dapat nating iangat. Ating pakatatandaan na minsan sa ating buhay, mayroong tsuper na naghatid sa atin nang ligtas sa ating paroroonan.