Kwento mo sa Pagong cover

Kwento mo sa Pagong

Isinulat ni John Coby Cabuhat • Pubmat ni Mary Joy Cerniaz | 30 November 23

Sa bagal, halos maihahalintulad na sa pagong ang paghingi ng pananagutan mula sa kataastaasang konseho ng mga mag-aaral sa pamantasan.

Dalawa sa mga prinsipyo ng mabuting pamamahala ay ang may pananagutan (accountability) at walang kinukubli (transparency). Sa pagsulong nito, huwag naman kumilos na parang isang pagong.

Nagsisilbing patunay sa kabulukan ng konseho ang pagbibitiw at paghingi nang pananagutan ng Auditor at Public Relations Officer ng Supreme Student Council. Ilan man ang sangkot, ito ay pasanin ng Pangulo. Pasanin niya ang mga bawat gawi at asal ng mga kapwa niya tagapaglingkod. 

Sa pagpapanagot sa Pangulo, parang nakikipag-usap ang mga mag-aaral, na humihingi ng pananagutan, sa isang pagong.

Tinatanong nang karamihan kung kumusta na ba at ano na ang nangyari sa mga proseso. Parang isang pagong, binigyan lang tayo ng tugon na ito ay umuusad pa rin. Paano ito umuusad? Sino-sino ang namamahala?

Bilang isang organisasyon na may ‘autonomy,’ o kakayahang pamunuan ang sarili, isang panloob (internal) na proseso ang impeachment. Kung hindi man magbitiw, ito ang maaaring magpanagot sa pamamagitan ng mayorya (majority) ng mga opisyal sa konseho. Maaaring gabayan pero dapat igalang ng mga tagapayo ng konseho at administrasyon ng pamantasan ang proseso at botohan ng mga mag-aaral.

May iilan nang mga kinatawan sa loob mismo ng konseho ang nagtatanong patungkol sa proseso pero tahimik ang mga nasa taas. Samantala, ano naman ang ginawa ng iba pang nasa konseho? Clout lang ba talaga ang pagtakbo ninyo?

Bumuo kayo ng mayorya at kung nilabag ang konstitusyon ng konseho at wala na kayong tiwala sa pangulo, maaari kayong bumuto na siya ay patalsikin. Tumindig ang mga Kolehiyo at pakilusin ang mga kinatawan sa konseho. Pagusapan na lang sa susunod ang gagawin sa iba kung hindi pa sila mahiya at magbitiw. 

Hindi kinakailangan ng pormal na kaso na dadaan pa sa buhol-buhol na proseso at sa sistema na hindi man lang alam ng karamihan ng mga mag-aaral. Nabanggit ko na ito noon. Babangitin ko muli ngayon. 

Isang kahihiyan sa pamantasan na may konsehong hindi mapanagot, hindi ang paglalantad ng mga isyung ito sa lahat. Napilay na ang konseho sa pagkakataong nawawalan na ng tiwala ang mga mag-aaral. Hindi ito magbabago kahit manatili ang inaasahan sanang mga tagapaglingkod.

Maaaring ito na rin ang huling kolum na maisusulat ng inyong lingkod mamahayag patungkol dito, kung kaya at isang paanyaya na mabalikan ang iba pang punto sa isyung ito:

BASAHIN: Student Governance is Student Trust

https://www.angpamantasan.org/opinion/student-governance-is-student-trust

Muli, hindi komplikado ang magpanagot kung hindi nangangailangan lamang ng pagtindig. Hindi dapat parang pagong (mabagal) sa pagkilos, kung hindi dapat iisa ang yapak.