IRREGalo’y prayoridad at pakinggan

IRREGalo’y prayoridad at pakinggan

Written by Vince Villanueva • Board by Miaka Byonne Cha | 31 January 25

Kamakailan lang, naging malakas ang daing ng mga kapwa nating Haribong irregular dahil sa matagal na pagpoproseso ng mga papeles at mahabang paghihintay sa pila ngayong enrollment period para sa ikalawang semestre sa Pamantasan. 

Hindi na ito bago tuwing sasapit ang enrollment period ng mga irregs dahil noon pa man, usad-pagong na ang pagbibigay prayoridad para sa kanila dahil kung hindi sa mabagal ang koneksyon sa Computerized Registration System (CRS), hindi sumasapat ang bilang ng mga opisyal na kumikilos at tumutulong para mapabilis ito. Mananatiling nakasanayan na lang ba ito o kailangan kalampagin ang bawat kolehiyo sa mabilisang solusyon para rito?

Sa katunayan, dumadaan sila sa proseso bago sila makakuha ng mga asignatura para sa kanilang kurso. Kadalasan ay nasa face-to-face na estado ang kanilang enrollment dahil una, kailangan nilang ipaapruba sa kahit kaninong faculty members ang study plan nila upang malaman kung nasusundan o posibleng nabago ito buhat ng pagkabagsak sa nakaraang asignatura. Kung wala namang pagbabago, bibigyan na sila ng permiso ng Chairperson mula sa kanilang departamento na makapaglista at mano-manong hahanapin ang mga asignatura sa CRS para naman kanilang ienroll.

Dahil sa mahabang prosesong ito, napipilitan ang mga estudyante na tyagain ang paghihintay sa pila upang makaenroll sa araw na itinakda para sa kanila. Madalas ay binibigyan lamang sila ng tatlo hanggang apat na araw subalit kung mamalasin, aabutin pa ng siyam-siyam bago ito maapruba dahil posible ring magkaroon ng hindi inaasahang conflict sa schedule na mapipili o ‘di nama’y maubusan pa ng slots dahil kadalasan ay unahan sa pagkuha ng mga minor subjects o nakuha na ng ibang irregs.

Ilan lamang iyan sa mga pagsubok na pinagdadaanan nila sa Pamantasan bukod pa ang mga hamon matapos makuha ang asignatura at sa guro at seksyong kanilang mapipili na siguradong suntok sa buwan kung pakikisamahan at bibigyan sila ng sapat na prayoridad lalo na sa mga anunsyo.

Kung kaya’t tanging hiling na mairegalo sa kanila ay mabigyan sila ng sapat na pansin at prayoridad sa ilang araw lamang na inilaan sa kanila. Pagtuunan nawa ng mga student council na magkaroon ng sapat na aksyon para sa mga departamentong nangangailangan ng katuwang tuwing enrollment nila. Mainam na pantay-pantay pa rin ang tingin sa estado ng bawat isa sa Pamantasan, ikaw man ay regular o hindi.