MGA LARAWAN | PUV Modernization Program Protest - Manila
Written and Photos by Dean Joseph Palapar | 30 December 23
Sa iginanap na tigil-pasada kahapon, Disyembre 29, pinangunahan ng PISTON at Manibela ang kilos-protesta upang itambol ang panawagan sa pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at sa napipintong deadline ng franchise consolidation bukas, ika-31 ng Disyembre.
Mula University Avenue ay nagsagawa ng malawakang jeepney caravan ang mga tsuper at operator. Kasabay ng pagpuno ng kalsada ng daan-daang jeepney units ay ang pagsigaw at pagbusina ng iba't ibang miyembro ng sektor ng lipunan at organisasyon, mga komyuter, at kapwa manggagawa habang sila'y nagmamartsa sa kahabaan ng España patungong Mendiola kung saan pormal na iginanap ang programa.
Giit ng mga tsuper at operator, hindi makatarungan ang ipinapatupad na PUVMP ng pamahalaan. Bunsod ng pagpapatupad ng panukala ang nagbabadyang krisis sa transportasyon at ekonomiya na maaaring kaharapin ng bansa sa susunod na taon. Ang kanilang nagkakaisang panawagan ay ang pagkakaroon ng mas nakabubuhay at maka-masang transisyon sa 'modernization' ng mga jeepney units.