Sikat sa Tanghalan, Sikat sa Halalan?
Isinulat ni Khaira Gabrielle Macapundag • Ilustrasyon ni Kiefer Angeles | 14 November 24
Sa panahon ngayon, hindi mo na kailangang dumayo sa sinehan
kung nais mong matakot o kung nais mong matawa,
kung hindi na umuubra ang lagim ng mga pelikula o ang mga teleseryeng patawa,
huwag kang mag-alala!
Sa isang pindot lang, ika’y hihiyaw, ika’y kikilabutan, at ika’y didighay,
sapagkat ang dating artista, ngayo’y politika!
Hak! Hak! Tunay na taglay ang malasakit ng bayan.
Pati mga tanyag ay may kapangyarihan, ‘di kuntento sa kanilang kabantugan.
Kalidad ng serbisyo? O kalamidad at perwisyo?
Hindi ba nakakagulat? O kaya’y nakakatawa?
Sa isang bulaga, ika’y nakurap!
Kaawa-awa at kasuklam-suklam ang lagay ng ating bansa.
Ang mga Pilipino’y may labis na pag-akit sa kagustuhang mangatal,
hindi na nadala sa pagsuyo ng iba!
Basura, sabon, bigas, pares— hinandog bilang pangdukot,
kaya’t tayong mga Pilipino’y tuluyang nabudol.
Totoong may mga bituin na masyadong maningning,
ngunit hanggang sa entablado lamang ang kanilang pagliwanag sa dilim.
Natatakot ka ba? Ang demokrasya'y gayundin!
Imbes na pagpili ng mga may kakayahan, napili nila ang may katanyagan.
Nais mo ba ang repormang para sa mahirap?
Pwes, magrejuv ka nalang!
Ikagaganda ng mukha mo ang ikagaganda ng lipunang ito.
Hanggang sa kuminis ang iyong balat
at mabusog ang tiyan mo sa mga hungkag na salita,
makuntento tayo sa batas na gawa ng sikat.
Oh, narito na ba ang lahat? Mga fanatics, followers, at Filipinos!
Ang pasabog ng taong ito ay gumagapang na— Ang pangalang minsa’y napanood sa telebisyon, Ngayon ay nangangampanya, posisyon ang tugon Nakasuot pa ng watawat sa ibabaw ng dibdib at perlas bilang palamuti,
Lumipas na ang Halloween, ngunit naka costume parin!
Ang pagdiriwang na ito’y ‘di nagtatapos dito!
Dahil ang kaginhawaang nais ay labis na lumilihis,
Walang hanggang sining, walang hanggang pagkukunwari,
Sa inyong gitla, lahat na ay sira, sa pamamahalang bulag sa hiraya.