Sa Paskong Darating
Isinulat ni Jamilla Marie Matias • Ilustrasyon ni John Ivan Pasion | 24 December 24
Nalalapit nanaman ang kapaskuhan, kumukutikutitap nanaman sa dami ng ilaw at palamuti ang mga tahanan. Tumutunog nanaman ang mga kampana hudyat ng pagsisimula ng simbang gabi. At panigurado, taglay ng pagsapit nito ang kagalakan at bagong pag-asa sa buhay na laging inaasam.
Naiiba talaga ang diwa ng pasko, tangan nito’y mahikang nagpapahilom ng maraming karamdaman. Bata pa lang ako, ramdam ko na ang kakaibang hatid ng nito. Sa totoo lang, mas inaabangan ko pa nga ito kaysa sa kaarawan ko. Ngunit sa mga nagdaang taon, tila may mga pagbabago akong hindi inaasahan, mga bagay na nagpabago sa aking pananaw — lumalamlam na nga ba ang liwanag ng pasko o marahil tumatanda lang ako’t nalilimutan na ang tunay na diwa nito?
Taliwas na nakagisnan ko, iba na ang pagdiriwang ngayon. Hindi tulad noon, ang simoy ng hangin ay may baon ng lungkot. Marahil dulot ito ng labis na pag-iisip at pagod, unti-unti nang kumukupas ang ningning ng kapaskuhan. Pagkat hindi tulad noon, marami nang nakaatang sa aking responsibilidad, pasan-pasan ko saan man mapadpad.
Idagdag pa rito ang mapaglarong tadhana, lumaki akong tanging hiling lamang sa pasko’y simpleng salo-salo, kumpleto ang pamilya at sama-samang kakain ng noche buena. Subalit ngayon na kaya ko ng bumili ng hamon at keso de bola, wala na ang mga taong inaasahan ko sanang makakasama sa piging sa mesa. Tila ba ito’y isang kandila, napupundi na ang liwanag at sigla.
Binaling ko ang paningin ko sa aming sala at pinagmasdan ang aming christmas tree. Hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa nakaraan. Memoryado ng isip ko ang bawat minuto habang binubuo namin ito nang nagtatawanan at humihiling na sana'y pagsapit ng pasko, ninanais na aginaldo sa akin ay ibigay.
"Tuwing sasapit ang pasko, namimili ang mommy ko ng mga pang regalo," himig ng mga batang nangangaroling. Naalala ko tuloy ang mga kaibigan kong kasa-kasamang umaawit sa tapat ng mga kabahayan. Nasaan na kaya sila? Kagaya ko rin ba silang hindi na maramdaman ang kapaskuhan? Kung maibabalik nga lang ang lahat, sana’y nung huli kong pangangaroling ay umikot pa kami sa isa pang kalye at umawit pa nang marami. Kahit "patawad" pa ang tugon sa amin bandang huli.
Marami akong pinalipas na pagkakataon noon, hinuha ko kasi’y mas marami pang darating sa mga susunod na taon. Kung kaya, habang nadadagdagan ang aking gulang hindi ko namamalayang unti-unti ko na ring nakakalikdaan — ang oras ay lumilipas at ang mga okasyong tulad nito’y nababago na rin ang kislap.
Kung kaya, wala mang kasiguraduhan sa mundo, nawa’y sa darating na pasko bumisita ang batang ako. Punlaan ako ng kasiyahan at puspusin ng bagong layunin at pag-asa ang buhay. Dahil sa kabila man ng mga pagbabagong dumating, pinanghahawakan ko pa rin ang mga kwentong simbolo ng pagmamahalan at pagbibigayan na alam kong ‘di kukupas ilang taon o dekada man ang lumipas.