outing cover

outing

Written by Raniel Paquingan • Board by John Ivan Pasion | 25 July 24

Gumising ako sa ingay ng bahay. Habang naaalimpungatan, nagtataka ako at bakit tila abala ang lahat. Doon ko naalala, nabanggit sakin ni Mama na may outing pala kaming pamilya.

Pinagmadali niya ko na mag-impake. Nakita ko si Bunso umiiyak habang karga ni Papa. Di ko alam kung bakit, siguro napagalitan na naman. Si Ate naman, tinatanong kung nadala na raw ba ang mga pagkain. Si Tito naman, nagtatanong kung nakaayos na raw ba kami. Hindi na siguro makapaghintay lumaklak ng alak.

Hindi ko alam bakit tila nagmamadali silang lahat. Iniisip ko tuloy kung ako na lang ba ang hinihintay. Habang nakatulalang pinagmamasdan ang kaguluhan sa aming tahanan dahil sa tulog kong nabulahaw, bigla akong nahimasmasan.

“Ngayon na ba yung outing, Ma?”

“Dalian mo na, lilikas na tayo,” sagot niya.