Hindi mamamatay si Juan Tamad

Hindi mamamatay si Juan Tamad

Isinulat ni Raniel Paquingan • Ilustrasyon ni John Ivan Pasion | 27 December 24

Alam na marahil ng karamihan ang kwento ni Juan Tamad

Naghintay sa ilalim ng puno hanggang malaglag ang bunga

Sabi rin, ang mga alimangong huli ay kaniya na lang pinalakad

Ngunit iisa ang tema, tila mahal ng ating bida ang magpahinga

Yumabong ang kwento ni Juan Tamad at nanatili sa atin, 

Hindi lamang sa saling-dila, bagkus pati sa kaluluwa

Malalim na ang tulog, tila ayaw nang gumising

Ang dating siesta lamang, mas lalong lumala

Umabante na ang lahat, tayo na lang ang naiwan

Tapos na ang pandemya, iisa pa rin ang solusyon

Aakitin ng prutas at paghihintayin gaya ni Juan

Hanggang sa makaidlip at hindi makaalis sa hipnotasyon

‘Di bale nang mayurakan ang pagkatao at karangalan,

Basta’t hindi mo siya makaligtaan kapag siya naman ang nangailangan

“Wala ka kung wala ako” ang nais iparating

Baliktad yata, walang siya kung walang ikaw na patuloy niyang gagamitin

Ang kwento ng ating bida ay tunay ngang nanatili sa atin, 

Dahil sa mga taong handang yumAKAP at umugoy sa pagkahimbing

Hindi mamamatay si Juan Tamad hangga’t biktima ng kanilang patibong

Kung ano ito, pansinin ang unang letra ng bawat saknong