Bitbit ko pa rin ang Nazareno
Isinulat ni Francis Irvin Gonzales • Ilustrasyon ni John Ivan Pasion | 9 January 25
Tradisyon na ng pamilya ko ang makilahok sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno. Taunang tinatahak ang daan patungong Quiapo dala ang isang bote ng tubig, panyo, at ang sariling Itim na Nazareno ng pamilya, sa pag-asang masilayan ang karosa lulan ang rebulto. ‘Di bale kung saan, masalubong lamang ang imahen ng Itim na Nazareno bitbit ang mga panalangin sa panibagong taon. Nang magkamuwang ay ako na ang nakatokang magbuhat ng mumunting Itim na Nazareno. Sa isang kamay mahigpit na hawak ang Poon. Habang ang kabilang kamay ay mas mahigpit ang hawak sa ama.
Sunod-sunod ang kapistahan at pagdiriwang ng pamilya ko sa bawat linggo ng Enero. Matapos ang pista ng Itim na Nazareno ay ang pista ng Santo Niño at ang pista ng Don Bosco. Ilang araw nakatayo sa harap ng kalan ang Lola para may maihanda sa mga bisita mula sa probinsiya. Magtitirik ng kandila at mag-aalay ng dasal sa altar para sa pagpapasalamat at pananampalataya. Ang bawat miyembro ng pamilya ay may kani-kaniyang gampanin para mairaos ang mga pagdiriwang. Sa karamihan, panahon ito ng kasiyahan at pagpapasalamat. Ngunit para sa sa akin, ang mga ito ay pananagutang buhat mula pagkabata.
Lumaki akong napaliligiran ng mga imahe at rebulto ng mga Santo. Sa sala ng kahit kaninong bahay, mayroong nakalaang lugar para sa isang magarbong altar. Puno ng mahalimuyak na bulaklak; bawat santo ay may suot na magarbong damit at may sukbit na bagong biling sampaguita. Nakaatas sa aming magkakapatid ang panatilihing maaliwalas ang altar, at ang mga dasal matikas at malinaw. Sabay kong natutunan ang magsintas ng sapatos at mga tugon sa panalangin.
Kinagisnan ko na ang pagpapakita ng pananalig sa iba’t ibang kilos. Mula sa pagdasal tuwing alas-sais ng gabi at pagsimba tuwing linggo, hanggang sa Visita Iglesia at Pabasa, lahat ng uri ng pananampalataya ay pawang nakapataw sa akin. Ang tanging ginhawa lamang ang pag-akap sa baywang ng aking ina habang pungas-matang naglalakad sa marmol na sahig ng Kaniyang tahanan. Laging tanong “matagal pa ba tayo?” Laging sagot ay mabilisang sitsit at ipit na ngiti.
Ang sabi, ang pananampalataya ay mapagpalaya. Ngunit mula noon, para itong koronang tinik na nakaputong sa sinto-sinto kong ulo. Sa pagdaan ng mga pagdiriwang, unti-unting naging tungkulin ang dapat masidhing pamimintuho. Ang bawat tugon, ang bawat kanta, ang bawat linya sa libro ay tila dagdag na tanikala sa panghal kong katawan.
Natuto akong magdasal ngunit hindi ko natutuhang manalangin. Hindi ko naramdamang napalapit ako sa Kaniya sa pagbigkas ng mga tugon, ni pagbuhat ng mga rebulto. Tanging panahon lamang kasama ang pamilya naramdaman ang pagmamahal na inilarawan sa banal na libro.
Siguro nga nakikinig Siya sa mga minsanan kong dasal. Dahil kahit ilang buwan na akong hindi nagagawi sa tahanan Niya, nanatiling ligtas at malusog ang pamilya ko. Ayos na sigurong hapo ako sa pagbisita sa iba’t ibang simbahan, kung ito ang tanging oras ko kapiling sila.
Sa pagsapit ng Traslacion, bitbit ko pa rin ang Itim na Nazareno. Mananatili pa rin akong nakaupo sa harap ng altar tuwing alas-sais ng gabi. Patuloy akong papasok sa tahanan Niya, kahit ‘di ako tanggap. Mananatili akong nakakapit sa lubid ng karwaheng buhat ang Itim na Nazareno. Hindi para sa Kaniya, kung hindi para sa pamilya ko.