Bisita cover

Bisita

Written by Marian Sophia Carreon • Board by Angelle Valbuena | 18 September 24

Nang buksan ang bintana’t dungawin

Ay sinalubong ng humahagibis na hangin

‘Di lumalamlam ang simoy ng Amihan

Balisa’t gipuspos ang sangkatauhan

Nang ika’y makarating sa aming bayan

Agad-agarang naghanda ng pagkain si Mama

De lata’y hinilera, damit ay kinolekta

Habang ang tahanan ay pinagtagpi-tagpi

Inayos, hinanda hanggang sa makakaya

Ngunit higpitan man ang pinto ay walang dulot

Ikaw pa rin ay walang pakundangang makalulusot

Pumapatak, tumatagaktak

Kay bilis umabot sa bewang ang baha

Naghihikahos, dumadausdos

Nabibingi sa bawat kulog ng iyong dalang unos

Nanghihinayang, nagdadalamhati

Tila kung sino pang nasa laylayan

Ay siya pa ang malas sa roleta ng kapalaran

‘Kaunti na lamang, sisinag din ang araw’

‘Kaunti na lamang, makakaraos din sa pinsala’

Hiling sa bisitang makapangyarihan

Na kailanman ay ‘di hustong maagapan

Ngunit sa kabila ng mabagsik nitong silakbo,

Hangga’t may buhay ay ‘di susuko

Lahat ng nadaan ay pansamantala

Marahil walang ulan ang ‘di tumitila