Sa Susunod na Suspensyon cover

Sa Susunod na Suspensyon

Written by Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 19 November 24

Dala ng malakas na bagyo ang nagbabadyang suliranin. Lulubog nanaman sa baha ang tahanan namin. At ang lawanit na yerong bubong ay liliparin na ulit ng hangin. Wala nang bago, parati namang ganito. Ilalabas nanaman ang mga batya at muli’y hihiling — nawa bagyo’y tumila na sa pagsapit ng umagang darating. 

Bukod pa rito’y may isa pa akong kakaharapin. Ang maghanda sa araw ng pagsusulit at walang katapusang takdang-aralin. Datapwat suspendido ang klase, tuloy-tuloy pa rin ang agos ng mga akademikong gawain. Maihahalintulad sa pagdaloy ng tubig baha sa amin, hindi mapipigilan kahit pa anong pagmamakaawa ang gawin. 

Kung ihahambing ko ang takbo ng pag-iisip ko sa bagyo, malamang ito’y nasa ika-lima ng numero. Pinakamataas na signal sapagkat ito ay delubyo. Gulong-gulo na ‘ko, anong uunahin ko? Kasabay ng paglakas ng ulan ay ang patuloy ring pagtakbo ng orasan, malapit na ang pasahan ngunit wala pa kong nauumpisahan. Sapagkat paano ko mabibigyang pansin ang pagkakalkula’t mga sulating nakaatang sa akin kung ang tahanang kanlungan sana ay unti-unti nang nagigiba dulot ng sumisipol na hangin. 

Kailan kaya madidinig ang panalangin? Kung walang klase, sana’y wala rin munang takdang-aralin. Ipagpaliban muna ang pasahan at exam kung mamarapatin. Akin din palang lilinawin, hindi ito hiling ng isang tamad na estudyante bagkus hinaing na sana’y sa susunod na suspensyon malaya muna ang isip sa pampaaralang tungkulin. Sapagkat isang kabalintunaan na ito’y ginawa para sa kapakanan ng karamihan ngunit bakit hindi pa rin tiyak ang kaligtasan — sa usaping akademiko man o sa tahanan parating may nagbabadyang kapahamakan. Mabigyan din sana ng konsiderasyon ang mga kapwa estudyanteng lubog pa rin sa unos hanggang ngayon. Kung sumikat na ang araw at wala nang suspension, bigyang tuon nawa ang kanilang sitwasyon, at huwag limutin sa pag-ahon. 

Nawa’y sa pagtila ng malakas na ulan ay sumibol ang bahagharing may dalang pag asa — makaahon sa pagkaka lubog sa tubig baha at makapasa. Umayon nawa sa akin ang tadhana, ulanin nawa ng uno ang aking marka. Dahil hindi biro ang sakripisyong inalay ko, pagsabayin ang dalawang bagyong umiiral sa utak ko. Dalangin ko ‘yan sa tuwina dahil naniniwala pa rin akong sa dulo ng pagkabagabag ay may kasiguraduhan, basta’t nananalig ay mayroon ding patutunguhan.