Sa Pagsapit ng Ikawalong Buwan
Written by Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 25 August 24
Ginising ako ng mga tunog ng mga trumpeta’t tambol buhat ng parada na nagaganap sa labas ng aming tahanan. Agad akong bumangon at walang pasubaling sumilip. Mga magagarang kasuotan tulad ng baro’t saya, barong tagalog, at filipiniana kasama ang mga munting pagtatanghal ng ilang katutubong sayaw ang sa aki’y nagbigay paalala — sumapit na muli ang buwan ng wikang pambansa.
Sa pagpasok ko sa aming paaralan, taglay ko ang masidhing damdaming dumalo at makiisa sa tila pistang minsan lamang dumating. At sa dami ng paligsahang nakasentro sa pagiging makabayan, pinili kong lumahok sa talumpatian. Bagama’t dama ko sa sarili ang kakapusan sa kaalaman sa pag-intindi at pagbigkas ng mga malalalim na salitang Filipino, masaya pa rin akong maipamalas ang kagustuhan kong matuto at maging ehemplo sa pagpapalawig pa nito.
Subalit may katanungang patuloy sa akin umuusig, kung bakit sa pagsapit lamang ng Agosto nagiging makata’t matatas ang madla sa paggamit at pagbanggit ng sarili nitong wika? Na sa tuwing pumapatak ang huling araw ng ikawalong buwan ay may mitsang unti-unting nauubos at namamaalam, ang mga nakapaskil na tula ay mapapalitan nang muli ng mga kathang banyaga at ang wikang pambansa’y dayuhan nang muli sa sarili nitong bayan.
Marahil naging pamantayan ng tagumpay sa lipunan ang pananalita ng wikang Ingles, sa kadahilanang iba raw ang dating at mas malawak ang nararating. Kung tutuusin, wala namang masama sa banyagang pananalita dahil bahagi rin naman ito ng pag-unlad ng ating bansa. Ngunit hindi ba’t maganda ring tamasain ang tagumpay kung ang wikang simbolo ng kasarinlan ay aalpas din sa hagway? At ang mga estranghero saan mang panig ng mundo’y mararahuyo rin sa rikit nitong hatid at taglay.
Nawa’y hindi lamang bisitang dumadalaw ang Filipino. Sumisidhi lamang ang damdamin tuwing ito’y gugunitain. Nagiging mahalaga lamang kung kakailanganin. Hanggang lilimutin na lamang kapag dako matapos ang paglinang ng ilang linggo. Kung kaya’t hiling ko sa paglipas ng okasyong ito, manatili sa atin ang kahalagahan ng wikang Filipino. Sapagkat higit sa kakayahang bigkisin ang sambayanan sa pagpapadaloy ng kultura’t tradisyon ng mga Pilipino, tangan nito ang isang kahigpunuang may laya at mapagpalaya, katuwang sa pagtindig ng maraming hamong dinaranas ng ating bansa.