Panibagong Kabanata sa Pagtatapos
Written by Jan Rennie Abat • Board by John Ivan Pasion | 15 September 24
Noong unang panahon…
Isang lamang akong estudyanteng handa nang harapin ang panibagong yugto ng buhay sa kolehiyo. Tandang-tanda ko pa ang pakiramdam ng pagkakaroon ng mga bagong kaibigan, ang saya ng pagtuklas ng bagong kalayaan, at pagkamangha sa gandang dala ng mga matataas na arko ng Intramuros. Hindi man buong-buo ang pangarap, buo naman ang aking determinasyong sa pagtahak ng landas na ito. Sa aking isip-isip noon ay lahat ng paghihirap kakayanin ko para lamang maabot ang rurok ng tagumpay— makapagtapos at makaakyat sa entablado nang May Papuri.
Matapos ang unang taon na puno ng pagbabago, sa isang iglap ay ikalawang taon ko na sa Pamantasan. Namaalam at lumipat ng eskwela ang ilan sa aking mga kaibigan, samantalang ang iba’y nanatili upang sama-sama naming harapin ang bigat ng mga gawain. Sa taong ito, akala ko’y kaya kong muling lagpasan ang lahat, ngunit ngayon ay ramdam ko na ang pagod na unti-unting sumisingil sa akin. Bumabagsak ang katawan. Bumababa ang mga marka. Gumuguho ang mundong minsang puno ng pag-asa.
Sa ikatlong kabanata ng aking kolehiyo, halos hindi ko matanggap ang pakiramdam na ako’y napag-iiwanan na. Nagbago ang mga mukha sa paligid at kinailangan kong makibagay muli. Dito ko napagtanto ang mapait na katotohanang tila iba ang trato sa aming mga irregular. Lagi’t lagi na lamang biktima ng mabagal na sistema. Gayunpaman, sa gitna ng lahat ng ito, hindi ko namalayang mabilis na lumipas ang oras at ako'y patungo na sa ika-apat na taon.
“Kung hindi sana ako bumagsak, kasama ko sana sila ngayon”
Iyan ang laman ng aking isipan noong ikaapat na taon ko. Bagama't may kirot sa aking dibdib sa tuwing ang mga kaibigan ko ay nag-uusap tungkol sa kanilang pagtatapos, mas nangibabaw ang tuwa sa puso ko para sakanila. Nang pinagmasdan ko silang umaakyat sa entablado, lalo lamang tumindi ang aking pagnanais na magsikap pa. Unti-unting nabuo ang aking mga pangarap, at dahan-dahan kong natuklasan ang tunay na nais kong marating sa buhay. Mahirap mang bitawan ang pangarap ko noong makakuha ng May Papuri, alam kong hindi ito ang hangganan ng lahat.
Hanggang sa makarating ako sa ika-limang taon kong lakbayin sa kolehiyo. Sa lahat ng aking pinagdaanan, tila kasalanan ang kalimutan ang mga aral, mga alaala, at bawat hirap na napagtagumpayan. Dala ko ang lahat ng nagbigay ng lakas sa akin, ang aking pamilya’t mga kaibigan. Higit sa lahat, ang huling taon na ito'y para sa aking mga pangarap. Para sa sariling minsang naniwala na hindi ko ito kayang abutin.
Hindi natapos ang mundo noong bumagsak ako. At nang ako ay umakyat sa entablado sa araw ng pagtatapos, akin na ring isinara ang huling kabanatang ng kolehiyo. Oras na upang bulaktin ang pahina ng panibagong kabanata at isulat ang inaasam na hinaharap—tataasan ang aabuting pangarap.