Nang makilala ko si Liliosa Hilao
Written by Calvin Agustin • Board by John Ivan Pasion | 24 February 25
Una kong narinig ang pangalang Liliosa Hilao, bilang isang mag-aaral ng Pamantasan at isang estudyante-mamamahayag, noong pumasok ako dito sa ating paaralan. Bilang manunulat ng ating pahayagan, Ang Pamantasan, ako ay naatasang sumulat ng isang balita hinggil sa pagkakatatag ng Liliosa Hilao Gender and Human Rights Section ng ating silid-aklatan noong Abril ng 2021.
Dito ko lamang sinimulang kilalanin si Liliosa, ang kanyang naging buhay, at ang malaking pamanang iniwan niya sa ating unibersidad.
Nakahihiya mang aminin ngunit lingid sa aking kaalaman noon na malaki pala ang ugnayan sa pagitan ko, bilang mamamahayag, natin— bilang mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila—at ni Liliosa Hilao.
Mas kilala sa tawag na “Lilli”, siya ay isang aktibista at manunulat na noo’y nagsilbi bilang pangalawang patnugot ng ating pahayagan, kinilala sa pangalang Ang Hasik. Nakalulungkot mang isipin, ang kanyang mapangahas at matapang na pagsusulat ay tinuldukan ng rehimeng Marcos Sr. noong siya ay dinakip, inabuso, at pinaslang sa ilalim ng Martial Law. Ang mamamahayag na ito ang kauna-unahang sugo ng pahayagan, aktibista, at tinig ng mga kabataan na siyang biktima ng marahas na diktadurya ng Batas Militar.
Lumipas na ang 52 taon mula nang dinanas ng bansa ang matinding karahasang dala ng administrasyong Marcos buhat ng Martial Law— at sa mukha ng parikala ay isa na namang Marcos ang ating kinakaharap ngayon. Hinding-hindi natin dapat kalimutan ang harapang paglapastangan ng administrasyon sa atin; ang dahas ng kapulisan na siyang dapat na pumoprotekta sa atin; ang hindi pagharap sa atin; at pagbubulag-bulagan sa mga malalaki at tunay na suliranin ng ating lipunan.
Bilang mga peryodista, higit na mahalagang alam natin ang ating kasaysayan sapagkat patuloy itong tinatangkang baguhin ng kasalukuyang administrasyon. Bukod pa rito ay ang pagsubok ng pagtuligsa sa pagkalat ng maling impormasyon na tila ba insulto sa ating mga mamamahayag at ating mga prinsipyo bilang tagapagtanggol ng katotohanan.
Ngayon, bakit ko ibinabahagi ang kwentong ito? Dahil alam ko, alam natin na marami pa rin ang walang kamalayan sa kwento ni Lilli, isa sa mga bayani ng ating Pamantasan, pati na rin ang iba pang mga kasamahan na nasupil ng karahasan ng mga Marcos.
Katulad ko, hindi pa huli at kaya pa nating ipalaganap ang mga kwento ng kanilang kabayanihan nang hindi natin ito malimot, kahit tayo ay lumabas man sa mga pintuan ng ating paaralan. Katulad ko, sana ay hindi natin iwanan ang ating tungkulin at pananagutan bilang mga estudyante, estudyante-lider, estudyante-aktibista, at estudyante-mamamahayag sa loob ng Pamantasan.
Hindi sasapat ang isang araw na paggunita sa kanilang naipamalas na kabayanihan. Nawa'y hindi lang sa araw na ito matapos ang paggunita natin sa malaking sakripisyo ng ating mga estudyanteng martir, ngunit patuloy nating ipaalam sa lahat ang kanilang mga kwento nang maikintal sa ating mga isipan na hinding-hindi tayo dapat na makalimot.
Isang malaking kalapastanganan sa mga lumipas at kasaluyang mga mag-aaral ng Pamantasan ang tila pagbubulag-bulagan sa kasaysayan. Isang pagtatraydor na hindi gunitain ang makasaysayang pag-aaklas na ito sa pag-asang pawiin ang bansa sa may kapangyarihan at maibalik ito sa taumbayan.
Nang makilala ko si Liliosa, ito ang kanyang naging marka– patuloy tayong tumindig at bumoses sa mga napapanahong isyu ng ating lipunan, at lagi’t laging tumindig para sa katotohanan.