Iba Magpaka-Guro ang Isang Ina
Written by Jeanette Tropa • Board by John Ivan Pasion | 4 October 24
Inilatag ko sa iyo ang aking mga pag-aalinlangan—isang listahan ng mga tanong, bawat isa ay mas mabigat kaysa sa nauna. Isa hanggang sampu, at walang pag-aatubili mong pinili ang sampu. Hindi dahil ito ang pinakamahirap, kundi sagad sampu ang iyong tiwala sa kakayahan kong lagpasan ang anumang pagsubok. Dito ko unang naramdaman na hindi mo lamang layunin ang magturo ng mga leksyon, tinuturuan mo rin akong maniwala sa aking sarili.
Naaalala ko ang mga araw na tila napakalaki ng mundo ng eskwelahan para sa akin. Madalas, sa mga sandaling iyon ay pinipilit ko na lamang maitulak ang sarili na magpatuloy, na parang sinusunod na lamang ang agos ng oras at leksyon. Pero ikaw, kahit na hindi kabilang sa iyong trabaho, palaging nariyan—nakatanaw, nakaalalay, at handang magbigay ng gabay na parang isang ina.
Sa bawat proyekto na tila imposible, naroon ang iyong matiyagang gabay. Pero ang pinaka-mahalaga sa akin ay ang mga simpleng kuwentuhan. Naging ligtas na espasyo ang iyong silid-aralan, kung saan hindi ako natatakot magkamali, kung saan natutunan ko na ang mga pagkakamali ay bahagi ng proseso ng paglago.
Kahit sa pagkakataong handa nang sumuko, at sa puntong napipilitang lisanin ang mga pangarap, ikaw ang isa sa unang mga taong nag-abot ng kamay, at nagpaalalang hindi dapat sukuan ang mga bagay na nais kong makamtan. Bumigkas ka ng suporta, kahit sa pagkakataong nagdadalawang-isip ako sa sarili kong kakayahan.
Kaya sa bawat tagumpay na natamo ko, naroon ang boses mo, kasama ang mga aral na iyong ibinahagi na higit pa sa mga numero at salita sa pisara. Ang bawat leksyon ay naging gabay hindi lang para sa mga pagsusulit, kundi sa mga pagsubok ng buhay. Iba ka kung magpayo dahil ito’y hindi lamang tungkol sa akademya kundi sa buhay mismo.
Kaya’t nang magpatuloy ako sa buhay—ngayong nasa kolehiyo—bitbit ko ang mga prinsipyong itinuro mo sa akin na ang edukasyon ay hindi lamang pagbibigay ng impormasyon, bagkus saklaw rin nito ang pagtuturo kung paano mabuhay nang may layunin, at katatagan. Hinubog mo ang aking talino, ngunit higit pa roon, ang aking puso.
Ngayon, nasa harapan na ako ng mas malalaking hamon, at sa bawat hakbang, naririnig ko ang iyong boses, ang iyong mga paalala, lalo na tuwing ako’y nadadapa. Sa mga sandaling ito, laging bumabalik sa akin ang iyong tiwala at iyong malasakit. Tiwala bilang estudyante mo at malasakit bilang isang taong minahal mo't pinahalagahan tulad ng sarili mong anak.
Sa wakas, naunawaan ko ang mas malalim na katotohanan. Hindi ka lang basta guro. Ipinakita mo sa akin ang tunay na kahulugan ng pagiging isang tagapagturo. Pinaparamdam mo sa akin at maging sa aking mga kamag-aral na kami’y hindi lamang mga estudyante sa ilalim ng iyong aral, sapagkat kami rin ay mga batang hinubog mo para maging matagumpay—sa eskwela at sa buhay. At doon napagtanto ko, hindi mo lang pala kami itinuring na isang hamak na estudyante, kundi iyong anak, dahil iba magpaka-guro ang isang ina.