Gabi ang kanlungan ng iba
Written by Jan Rennie Abat • Board by John Ivan Pasion | 9 September 24
Sa malamig na simoy ng hangin at katahimikan ng gabi, ito ang nagiging kapahingahan ng mga taong buong pusong nagsisikap mula sa pagsikat ng araw. Ito ang kapayapaang gabi lamang ang makakapag-alay. Subalit sa kabila ng kanilang mahimbing na pagtulog, binabalot ng saligawsaw ang aking isipan—masyadong magulo, masyadong maingay. At habang dahan-dahang sumisilip ang liwanag ng umaga, napapaisip ako kung ako'y babangon pa nga ba. Gusto ko lang namang magpahinga.
Walang tulog, ako’y nagbihis at dumiretso na sa Pamantasan. Nakakapagtaka na sa halos walang lamang bagahe kong bibit ay napakabigat ng aking dala-dala. Mabigat ang pakiramdam. Mahapdi ang mga mata.
Sa kalagitnaan ng paglalakad sa pasilyo ng eskwelahan, dinig ko na ang masiglang tawanan ng mga estudyanteng puno ng buhay. Dali-dali akong lumapit at dumikit, makikitawa para lamang panandaliang malimutan ang kaloob-looban kong namimilipit sa sakit. Ako’y nakakita ng oportunidad upang panandaliang makatakas, at sa pakikihalubilo’y nagbabakasakaling ako rin ay mahawaan nawa ng kahit kakaunting lakas.
Ngunit sa paglipas ng oras at paglubog ng araw, minsan ay may mga biglaang napapadaan sa aking isipan. Na sakabila ng ingay ng paligid, nangingibabaw ang bulong mula sa kawalan.
Aniya’y “humakbang ka” na tila ako ay tinatawag na dumiretso sa kalsadang pula ang ilaw sa tawiran. Aniya’y “gumuhit ka” ng mga linyang mag-iiwan muli ng marka sa aking katawan. Aniya’y “halika rito” na sukat ako’y inaanyayahang damhin ang hangin mula sa ikapitong palapag ng Gusali hanggang sa damuhan.
Gusto ko lang naman mamahinga. At sa aking pagkalunod mula sa sariling isipan, isang boses ang nagpaahon sa akin. Nangingibabaw sa lahat.
“Salamat at nandito ka”
Pinigilan mang lumuha’y biglang bumalik sa akin ang mga rason kung bakit ako patuloy na kumakapit pa. Na kahit ilang beses ko nang pagtangkaan at subukang sundin ang mga boses na siyang gumagambala at umaakit sa akin, ako'y lumalaban pa rin. Aking napagtantong nagising man ako sakanyang sinabi, mayroong maliit na boses na siyang mas importante pa rito—ang boses kong nagsasabing ako’y naghahangad na magpatuloy pa.
Kasalukuyan mang namumuhay sa katiting na pag-asa’t lakas, darating din ang panahong tunay na ngiti at tawa na ang aking maibibigay. Lalakas ang tinig ng sariling nagsasabing ako’y mahalaga. At sa pagdating ng gabi, makakatulog din ako nang mahimbing, payapa ang diwa’t kaluluwa.