Agham para sa lahat: Kuro-kuro ng isang babae lang
Written by Jan Rennie Abat • Board by John Ivan Pasion | 1 March 25
May mga araw na hinihiling kong sana, naging lalaki na lang ako.
Marahil, mas maayos ang naging pagtahak ko sa larangan ng agham at teknolohiya. Hindi ko na rin siguro mabilang ang mga pagkakataong tila binalewala ang aking kakayahan dahil sa aking kababaihan.
Tuwing papasok ng silid-aralan, iha ang aking pangalan– kahit ilang beses kong itaas ang aking kamay upang aktibong makilahok sa klase. Ang boses na pilit nilalaksan sa bawat salita'y patuloy lang din namang hinihinaan. Isang pagkakamali at mainit na sa mata, sapagkat may mga dalubgurong hindi kaalaman ang itinatanim kundi pag-aalinlangan. Imbis na pantay-pantay na pagyabungin ang edukasyon ng mga mag-aaral, sadyang mayroong may mga paborito na madalas ay nasa kasalungat na kasarian.
Sa kanila, kahit kakaunting pakikilahok ay tanda na agad ang ngalan. Sa kanila, isang ngiti at huli na ang kiliti. Sa kanila, minsan ay naaabot ng karisma ang tinta ng bolpen sa pagmamarka. Mahina ba talaga ako o ito ba'y dahil lamang sa pagiging babae ko?
Sa kabila ng mga ito ay ang katotohanang kinakailangan pang mas pagbutihin, mas pagsikapin, mas patunayan ang sarili na doble-doble pa sa naibibigay ng karamihan. Dahil madalas, hindi para sa mga babae ang oportunidad na ibinibigay. Mas progresibo man ang kapanahunan ngayon kaysa noon, hindi pa rin nawawala ang mga dalubgurong isinasantabi ang galing at kahusayan ng mga kababaihan sa disiplinang ito.
Sana ay dumating ang panahon na hindi na dapat tungkol sa kasarian, kundi sa talino, sipag, at dedikasyon ang pagpasok sa kahit anong propesyon. Sa nagdaang buwan ng Women in STEM, nawa’y naging paalala na ang agham ay hindi lamang para sa iisang kasarian. Ito ay para sa lahat.