Teacher's Day cover

Si Darna, Superman, at ang kumukupas nilang ningning

Written by Vince Villanueva • Board by Angelle Valbuena | 4 October 24

Malakas at tagapagligtas ng buhay, mataas ang paglipad buhat ng matayog na pangarap at malalim na pagmamahal para sa masa — iyan ang madalas na katangian nina Darna at Superman o ang ating mga gurong tinagurian na mga makabagong superhero. Subalit hanggang ngayon, bayani man kung ituring, pagiging martir naman ang estado nila sa lipunan.

Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Guro ngayong ika-5 araw ng Oktubre ay ang nananatiling estadong kinasasadlakan ng ating mga “Darna”, ang kawalan ng tamang pagtrato sa kanila. Tema ngayong taon ang pagpapahalaga sa boses ng ating mga guro, subalit patuloy ang pagbibingi-bingihan na siyang bunga sa kumukupas nilang ningning.

Kumupas na ningning: Sistemang patuloy na nabubulok

Kung husay man ang usapan, hindi naman talaga nagpapahuli ang ating mga Pilipinong guro. Hindi ang ningning ng talino’t husay nila ang kumukupas, bagkus ito ay ang ningning ng kanilang pagmamahal sa edukasyon na patuloy na kinukupasan ng mga bulok na sistemang mayroon tayo.

Bagama’t apat na taon nang ipinapatupad ang Republic Act No. 11466 o ang Salary Standardization Law, hanggang ngayon ay hindi sumasapat ang sweldong nakukuha ng ating mga guro. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang average na sweldo ng mga guro sa pampublikong paaralan ay humigit-kumulang na P25,000 kada buwan at bagama’t may implementasyon na ng batas, kakarampot pa rin ito upang makahabol sa mataas na cost of living at inflation ng bansa. Kaya patuloy ang pagsulong sa pagtaas ng minimum wage ng mga guro na inihain sa Kamara ng ACT Teachers Partylist noong Pebrero.

Gayundin, kinaltasan din ng pondo ang mga kilala’t malalaking State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) sa bansa, dahilan upang lumiit ang pondong magagamit para sa libreng edukasyon. Ayon sa aprubadong 2025 National Expenditure Program na nilabas ng Department of Budget and Management (DBM), mahigit 113.75 bilyon ang pondo para sa mga SUCs, subalit mahigit 14 bilyon ang kinaltas mula sa 128.13 bilyon noong 2024. 

Malinaw na ang pagbaba ng pondo ay magbubunsod ng kakulangan sa mga resources at posibleng pagbabawas ng mga proyekto’t programa sa ilang paaralan. Ito’y kasaluyang pinaglalaban ng mga pinuno ng mga SUCs at naghahangad ng mas mataas na pondo. Kung kaya’t tuluyang kumukupas hindi lang ang ningning ng mga guro bagkus maging ang mga oportunidad at kalidad ng mga paaralan.

Panibagong Lipad ni Darna: Oportunidad at pag-asa

Ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mula 2010 hanggang 2020, mayroong 60% na pagtaas sa bilang ng mga guro na lumilipad at nangingibang bansa dahil sa hindi sapat na sahod at mabigat na workload. Ang pagtaas ng bilang ay bunsod ng hindi sapat na sweldong natatanggap ng mga guro, sandamakmak at tambak na mga gawaing pangguro. Malaking sugal man ang pagingibang bansa pero mas mainam na ito para sa iba kaysa manatili sa kakarampot na sweldo rito sa Pinas.

Pag-asa rin na makaahon sa hirap at hukay ng kahirapan ang patuloy nilang binibitbit. Sa katunayan, ayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), 20% ng mga gurong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa, tulad ng Middle East at mga bansa sa Asya, dahil sa mas mataas na sahod at mga benepisyo. Sakripisyo man ang pagkawalay sa pamilya, oportunidad naman ito upang unti-unting makausad. 

Mulat na sila Darna’t Superman: Hindi sapat ang pasasalamat

Hindi na sasapat ang mga pasasalamat lang sa panahon ngayon. Pagiging praktikal na ang usapan dito. Pasasalamat na hindi masusuklian ng pagpapagal ng mga guro tuwing overtime, pag-eekstra ng oras upang matutukan ng pansin ang mga estudyanteng hirap sa pag-aaral, at pagiging instant magulang sa sangkaterbang mag-aaral.

Hindi na rin sapat ang kasalukuyang programa sa edukasyon. Sa katunayan, noong Disyembre 2023, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit 81 na Higher Education Institutions (HEIs) sa Pilipinas ang nakapasok sa iba't ibang world university rankings. Mas mataas ito kumpara sa 52 noong Hulyo 2023. Subalit, base sa kasalukuyang inilabas na resulta ng Times Higher Education 2024 Asia University Rankings, wala ni isang unibersidad mula sa Pilipinas ang nakalusot sa Top 100. Malinaw na may problema sa ating sistema ng edukasyon. Ang pagbaba ng ranking ng ating mga unibersidad ay isang sampal sa kakulangan ng suporta at mga proyektong ibinibigay ng gobyerno sa sektor ng edukasyon. Doble-kayod ang ginagawa ng karamihang mga guro, at doble-kayod din sana ang suporta mula sa gobyerno.

Kilala man natin sila bilang mga superhero natin, subalit sila rin itong hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala’t pagbibigay-pugay. Patuloy ang bulok na sistema ng edukasyon na nagreresulta ng pagdedesisyon ng ilang guro na mangibang bansa bunga ay ang patuloy na paglagapak ng Pilipinas sa World Rankings. Tiyak na wala na sa mga guro ang problema, ito’y nasa kamay na ng ating gobyerno na hanggang ngayon, nagbubulag-bulagan, pipi at bingi sa mga hinaing nina Darna at Superman.