Salo-Salo sa Mercadillo: Kwento ng Pagkain, Musika, at Pag-ibig
Written by Vince Villanueva • Photos by Ma. Janelle Ugot | 12 February 25
Sa gitna ng makasaysayang Intramuros, isang natatanging pamilihan ang bumubuhay tuwing sasapit ang gabi—ang Mercadillo Bazaar. Sa bawat sulok, maririnig ang tunog ng mga gitara, malalanghap ang halimuyak ng mga inihaw na pagkain, at matutunghayan ang mga iba’t ibang turistang puno ng pananabik.
Patok na patok ito ngayon dahil sa samu’t saring gawaing pwedeng tangkilikin at dayuhin tuwing sabado’t linggo at ipagdiwang ang Valentine’s Day. Matatagpuan ito sa kalye ng General Luna at kalapit ang historikal na simbahan ng San Agustin, halina’t tayo’y magsalo-salo sa mga kwentong pagkain, musika at pag-ibig dito sa Mercadillo.
Katakam-takam na pagsasalo
Kung ang hanap mo ay nakakatakam na food trip matapos ang mahabang pagagala sa Intramuros, huwag mong kalimutan sa iyong bucket list ang Mercadillo Bazaar. Ito ang masasabi nilang last stop matapos gumala at umikot sa Intramuros. Marami kasi sa mga pagkain dito ay tiyak na mura at patok na patok na pagsaluhan tulad ng mga Korean foods, shawarma, tuhog-tuhog, tanghulu, pasta at mga fruit juice na iyong babalik-balikan.
Nariyan ang mga tuhog-tuhog nila Nanay Julie na tumagal na ng dalawang taon sa pagtitinda sa Mercadillo. Sa halagang 100 piso kada tatlong piraso, maaari ka na mamili ng isaw o betamax na bubusog sa inyong hapunan. Kung ang trip mo naman ay matatamis, maaari mo ring tikman ang tindang puto bumbong at bibingka ni Jeff sa bukana ng Mercadillo na nagkakahalaga lamang ng 70 hanggang 140 pesos o kaya nama’y mga tindang fresh fruit shake ni Shaina.
“Alas-dose palang naghahanda na kami ng paninda at mga 9PM, sold out na agad. Tuwing weekends, marami talagang pumupunta dito at lalo na ngayong paparating na ang Valentines,” ani ni Nanay Julie.
Matatamis at munting harana
Habang nilalasap ang bawat kagat ng puto bumbong o iniinom ang malamig na fruit shake, sasamahan ka pa ng matamis na tunog ng gitara at tinig ng mga buskers na nagpapakilig sa buong Mercadillo. Bubungad sayo ang mga tugtugin mula sa live performances ng mga buskers na mas lalong nagpapakilig at nagpapasaya sa mga turistang pumupunta dito. Saktong-sakto para sa ilang naghahanap ng mga munting harana. Makikita ito sa sentro ng Mercadillo at tiyak na iyong maririnig kahit malayo ka pa dahil ito’y pinagkukumpulan at agaw-atensyon sa mga turista.
Isa sa mga buskers rito ay si Dave Linao na patok din sa TikTok, kung saan ang mga kinakanta niya ay nakadepende sa mga requests ng mga tagapakinig at ginagawan niya ng sarili niyang versions. Mula sa mga love songs tulad ng “Ikaw at Ako” ni Moira dela Torre at “I love You” ni Celine Dion hanggang sa mga kantang “Ngiti” ni Ronnie Liang at “Dilaw” ni Maki na talagang kikiliti sa inyong mga puso at mga ngiti.
Hindi lang ito simpleng tugtugan—ang bawat himig ay bumubuo ng mas personal at nakakakilig na karanasan para sa mga dumaraan. Para sa ilan, ang busking ay parang isang libreng concert; para naman sa iba, ito ang kanilang pagkakataon upang iparamdam ang pagmamahal sa pamamagitan ng isang harana.
Simoy ng pag-ibig
Bukod sa pagkain at musika, mga kwento ng pag-ibig mula sa mga turista ang siyang bumubuhay sa Mercadillo. Maraming bumibisita rito na mga mag-jowa, mag-asawa, magkapamilya, mga estudyante, foreigners, mga single at mga magbabarkada.
Isa na rito ay si Nanay Esmerida, 66, kasama ang kanyang mga kaibigan na mula edad 60-70 anyos. Matapos ang 14 taong pagpaplano, sa wakas, natuloy rin ang gala nila—isang simpleng pangarap na ngayon ay realidad na. Aniya, ang paggala nila ay maagang selebrasyon sa Valentine’s Day kung saan saksi ang pananabik nila dahil lahat sila ay nakasuot pa ng kulay pula.
“Nagstay talaga kami sa Prince Hotel para makagala sa Intramuros at mag-food trip sa Mercadillo parang early Valentine’s date na rin. Napili namin dito kaysa sa iba kasi maganda dito sa Intramuros,” ani nila Nanay Esmerida.
Marami ka ring pwedeng pagpilian na pangregalo kung saan nariyan ang Garden of Rosy na may samu’t saring panindang bulaklak mula sa Dangwa, mga wallet, alahas tulad ng singsing at bracelet, at mga pampasalubong tulad ng keychain at ref magnet na may disenyo ng Intramuros.
Sa bawat tindahan, sa bawat tugtog na umaalingawngaw, at sa bawat halakhak ng mga bumibisita, naroon ang tunay na diwa ng Araw ng mga Puso—hindi lang para sa magkasintahan, kundi para sa lahat. Sa Mercadillo, ang pagmamahal ay hindi lamang sa salita kundi ito’y pagsasalo-salo ng kultura, pagkain, musika, at sa samahang bumubuo ng pinakamagagandang alaala.














