Pagkagat ng Dilim cover

Pagkagat ng Dilim

Written by Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 1 November 24

Sa pagkagat ng dilim sa Pamantasan lumalabas ang mga misteryo ng kababalaghan. Mga animo’y aninong nagkukubli sa mga pasilyong tila piping saksi sa lahat ng mga pangyayaring nagdaan. Dahilan kung bakit patuloy nauukit ang mga istoryang hindi lumalamlam. Marahil paalala na ang mga tao’y hindi nag-iisa sa mundong ginagalawan. 

Iyong Tagabantay

16 taon nang nagseserbisyo sa eskwelahan si Kuya Karding, hindi niya tunay na pangalan. Ayon sa kanya, marami na siyang mga kahindik-hindik na karanasang kailan ma'y di niya malilimutan na dulot umano ng kanyang “third eye.” Isa na rito si “Allan” na aniya’y tagapagbantay sa ika-limang palapag ng Gusaling Lacson. Minsan na umano itong nagpakita sa isang litrato gamit ang kanyang dalawang paa habang ang katawan ay hindi masilayan. 

Bagamat maraming taong nagsasabing ito’y edited lamang, para kay Kuya Karding na nakapanayam ng isang sikat na palabas sa telebisyon, naninindigan siya na ang nakunan sa litrato ay totoo sapagkat natatanaw ng pangatlo niyang mata ito. “Marami nag comment na edited [pero] hindi, hindi edited. Kasi ako po mismo nakita ko ‘yan sa may 5th floor tumatakbo po ‘yan. Nakikita ko po kapag gabi,” saad niya. 

Dama naman ni Isay, hindi niya tunay na pangalan, isang janitor, ang presensya ni “Allan” sa tuwing siya’y kinikilabutan sa gitna ng kanyang paglilinis lalo na sa ika-limang palapag.

“Madalas dito sa room na ‘to [SPL], yung pakiramdam na parang nanayo yung balahibo mo ganon tapos parang may nakatingin sayo. Doon naman [RL], parang lumalaki ‘yung ulo mo sa sobrang tahimik. Nakakaramdam ako ng ganon, parang ano paranormal, baka si Allan ‘yon kasi dito ko talaga madalas maranasan. Base doon sa picture na nakita ko, naka itim tapos naka paa lang siya na mahaba ang kuko pero di naman totally kita yung upper extremities niya.” paglalahad niya. 

Sa Gusaling Lacson kung saan tila teritoryo ni Allan ang mga pasilyo, sa ibang parte ng Pamantasan ay mayroon ding mga ligaw na elemento.

Mga Elementong Ligaw

Kasama ng mga mayayabong na halaman sa paaralan ay ang mga nagtataasang puno na siyang nagiging silungan sa mga araw ng tag-init. Ngunit malayo sa kaalaman ng lahat, sa rurok ng kadiliman ay lumalabas ang kapreng dito’y naninirahan.

“Ito kwento lang ‘to nung foreman dati nung ginagawa pa GCA, 2:30 AM daw ng madaling araw nagkape siya pagtingin niya akala niya sino yung nasa taas ng puno ng mangga. Nakaupo raw. Nagtataka siya kasi di raw ordinaryong laki ng tao. Pero sobrang nagulat daw siya nung tumalon daw ‘yung kapre tapos nawala,” pagsasalaysay ni Kuya Karding. 

Maliban sa kwentong kapre, inilahad naman ng dating estudyanteng itago na lamang natin sa pangalang Ginoong DJ ang kanyang karanasan. Ang planong katakot-takot na tema para sa proyekto ay tila tinotoo ng estrangherong sumali sa paggawa nito. 

“Ang scene non, kukunan siya [kaklase niya] nang may dugo… tapos ishoshoot mo siya nang mabilisan tapos snappy, ang nangyari may sumamang ibang mukha sa photo niya… mala bungo na. Ito pa, nung nagrerecord sila sa akin may sumabay na nagsasalita pero sobrang low voice siya na napansin lang nung nag-eedit na,” kwento ni Ginoong DJ na nais mang itago ang mga ebidensyang nakuha ay nagpasya na lamang burahin upang hindi sila sundan at gambalain pa.

Maka-tindig balahibo rin ang naging karanasan ni alyas Martin, drayber sa Pamantasan, sa di umano’y pagsama at pagpapakita ng kaluluwa ng bangkay na inihatid nila upang pag-aralan ng mga estudyante sa medisina.

“Pinaka nakakatakot na experience ko ‘yung sa likod mismo ng kanto ng medicine. Naglalakad ako tapos napansin ko  may nakatayo, sabi ko sa sarili ko sino ‘to? Edi atras ako, sa isip ko bakit naka paa? Tapos nung narealize ko, yung pinick-up naming cadaver sa Mandaluyong kapareho nung paa. Nung pataas na [tingin] ko, naka hang siya. Sabi ko na lang bahala ka jan. Kinuwento ko ‘yon sa mga guwardiya sabi lang sa akin, nako nagbibiro ka lang,” paglalahad niya. 

Walang katiyakan kung bakit patuloy pa ring nananalagi sa paaralan ang mga kaluluwa’t elementong ito. Kung kaya’t ang pagbibigay respeto at pag aalay ng dasal para sa mga ito ay lubos na makakatulong upang hindi na magambala pa ang mga kakatwang hindi nakikita ng dalawang mata. 

Alay na Dasal at Paggalang

Paniwala ni Alias Roda, isang janitress, ang mga kwentong kababalaghang kanyang naririnig ay marahil dulot umano ng mga sinaunang taong minsang nanirahan sa Intramuros bago pa man itinayo ang PLM. Aniya, ang mga kwento ukol sa kadenang walang humihila, asong palakad-lakad sa mga pasilyo, at ang mga aninong nakikita sa iba’t ibang gusali ay kaakibat ng malalim na kasaysayang taglay ng tinaguriang “walled city.” Kung kaya’y ang pagkakaroon ng malawak na kaisipan sa mga ganitong bagay ay nararapat. Dagdag pa niya, walang magagawa ang pag-iral ng takot at pangamba sa pangangailangan ng kanyang pamilya.

Para naman kay Ginoong DJ, marapat lamang na ang mga ito ay hayaan lang at huwag katakutan bagkus patuloy na alayan ng dasal at bigyan ng paggalang.

“Naniniwala akong nandyan lang sila and the only way para pakisamahan sila is i-acknowledge na nandyan sila and they exists. And we respect our boundaries. Parang ano lang rin sila tayo [tao] rin, di kita papakealaman, kung di mo ko papakealaman parang ganun. Hayaan lang natin silang nandyan as long as di tayo nasasaktan or inaapi or naaapektuhan,” wika ni Ginoong DJ. 

May paniniwala man o wala sa mga usaping kababalaghan, mahalagang matutunan ang magbigay ng respeto sa mga nakapalibot sa kapaligiran. Sapagkat totoo man ang mga ito o likha lamang ng malawak na imahinasyon, ang paggalang sa kapwa ay palagi dapat umiiral. Walang tiyak at kasiguraduhan sa lahat ng maaaring makisalamuha sa paligid higit lalo sa pagkagat ng dilim kung kaya’t laging buksan ang mga mata, talasan ang pandinig, at palawakin ang isip dahil ang mundo ay nababalot ng misteryo.