Cinemalaya 2024: Sa Loob ng mga Istoryang may Lalim at Lakas
Written by Jan Rennie Abat and Jamilla Marie Matias • Board by John Ivan Pasion | 17 August 24
Loob. Lalim. Lakas. Tatlong salita kung saan umikot ang tema ng sinemang malaya. Sa pagdilim ng paligid sa sinehan at pagsimula ng pelikula o dokyumentaryo, tinunghayan ng mga manonood ang palabas na siyang kumuha ng atensyon, kumonekta sa puso, at nagsiklab ng kanilang damdamin.
Iba’t-ibang isyu ang tinalakay ng Cinemalaya Independent Film Festival. Bitbit ang layuning suportahan ang produksyon ng malayang pelikulang Pilipino, ginanap ang Cinemalaya XX (o Cinemalaya Bente) nitong ika-2 hanggang ika-11 araw ng Agosto na siyang nagpalabas ng 10 mahahaba’t maiikling pelikula. Sa dami ng mga ito ay may iilang nangibabaw.
Sa Loob ng Bawat Dokumentaryo
Bahagi sa mga naitampok na palabas sa Cinemalaya 2024 ang ilang mga natatanging dokumentaryo ng programa ng GMA Public Affairs na I-Witness. Kabilang rito ang Sisid sa Putik ni Mav Gonzales; Boat to School ni Howie Severino; Bawat Barya ni Atom Araullo; at Ambulansyang de Paa ni Kara David na umani ng parangal sa Peabody Awards noong 2009.
Sa naganap na talk back session ng mga batikang mamamahayag, ibinahagi ni Ms. Kara David ang kalooban ng mga dokumentaryong kanyang ginagawa. “When you do your documentaries, you’re not doing this for the big screen, you’re not doing this for the award, you’re doing this because this story deserves to be told. You do it because meron kang talentong magkwento at may kwentong dapat ma-ikwento at maski may pera o wala, pag na-ikwento mo yung isang kwento na dapat ikwento, it will fulfill you,” saad niya.
Binigyang diin niya rin ang kahalagahan ng pagiging aesthetic o maganda nang hindi isinasantabi ang katotohanan. “Hindi naman kailangan i-sacrifice yung truth for aesthetic. ‘Yung pag dodocu, hindi ito pagandahan ng shots, pagandahan ‘to ng totoong istorya pero kung kaya mong ipag combine yung dalawa — being artistic, yung beautifully composed shots, and being truthful and authentic, winner ka,” aniya.
Sa kabilang banda, naibahagi naman ni Mr. Howie Severino ang importansya ng pag-akap sa bagong teknolohiya sa paggawa ng isang dokumentaryo. Ayon sa kaniya, sa kabila ng kakapusan sa pananalapi marami pa rin umanong magagawang content sa tulong ng mga cellphones. “Dati wala kang budget, wala kang magagawa. Pero ngayon you can be resourceful”, wika niya. Patunay nito ang mga maikling pelikulang bumida sa Cinemalaya 2024.
Lalim ng peksman, mamatay man
Tinaguriang Best Film sa kategorya ng maikling pelikula, sinundan ng “Cross My Heart and Hope to Die” ni Sam Manacsa ang kwento ni Mila, isang klerk na hindi sapat ang kinikita sa kabila ng kanyang pagbabanat ng buto. Tumagal lamang ito ng 18 minuto, ngunit dama ang lalim ng mga paksang ipinakita ukol sa mental health at hindi patas na sahuran sa mga babaeng manggagawa.
Maingay man ang mundo, mas nakabibingi ang ingay na nanggagaling sa isip at puso. Nag-umpisa ang maikling pelikula sa isang nakakapagpabagabag na eksena– ang pagtangkang lagutan ang sariling hininga. Sa kabila ng kawalan ng motibasyong magpatuloy, hindi naging matagumpay si Mila sapagkat may nakakita sakanya. At mula sa taong ito ay nakakuha siya ng kislap ng pag-asa.
Sa lalim nito’y mapapaisip na lamang kung ano ang sinisimbolo ng bawat bahagi ng pelikula. Kung ang silid na hindi nadadaanan ng liwanag ay sumasalamin sa estado ng madilim na kalagayan ni Mila. Kung ang kanyang pagkalunod sa musika ay para masapawan ang mga boses sa kanyang isipan. At sa nakayayanig na pagtatapos, nag-iwan na ito ng marka sa mga manonood. Isang bagay na nagawa rin ng pinangaralang Best Film sa kategorya ng mahabang pelikula.
Lakas ng Tumandok, Para sa Ati
Payapang namumuhay, nakikiisa sa kalikasan, at nagsasaka. Kay saya rin sanang maligo sa ulan– iyong tubig, hindi bala.
Inihandog ng “Tumandok” nina Richard Jeroui Salvadico at Arlie Sweet Sumagaysay ang karanasan ng mga Katutubong Ati sa Kanlurang Visayas. Sa tema ng lakas, ipinakita nito ang kakayahang pag-usapan ang mga isyu na nagmumungkahi ng malalim na pag-iisip– nang tinalakay ang karahasan; nang hindi pumalya sa paglalarawan sapagkat ang mga gumanap na aktor ay ang mga lokal mismo; at nang ginamit ang wika ng mga Ati bilang lenggwahe ng pelikula sa kabila ng isyu kung saan mayroong mga wikang katutubo ang tuluyan nang naglalaho.
“We have to show that these people are breathing and living testament ng mga karahasang dinadanas nila. Hindi sana ganun kung napapakinggan sila. Kasi meron silang boses pero nao-overpower ng ibang issues.” wika ng Direktor na si Arlie Sweet Sumagaysay sa talk-back session noong ika-8 ng Agosto.
Dala ang katotohanang sila’y tinatapakan at pinagsamantalahan, nagawa ng docu-fiction film ang isa sa ilang bagay na sila’y pinagkaitan– ang mapakinggan. Abot-tinig ang kanilang karapatan at katapangang ipaglaban ang lupang sinilangan.
Sumasalamin sa reyalidad ng buhay ang mga tampok na pelikula’t dokumentaryo sa Cinemalaya 2024. Sa tulong ng mga ito, bitbitin nawa ng mga manonood ang bawat mensahe sa kani-kanilang kalooban. Kasabay ng pagbibigay halaga sa lalim ng mga aral na natutunan at gamitin itong lakas upang labanan ang mga sakit ng lipunan tulad ng kahirapan, korapsyon, at karahasan. Maging daan din nawa ito sa pagpapamulat sa diwa ng mga tao sa patuloy na pakikibaka upang makamit ang pag-unlad hindi lamang ng mga nasa taas ng tatsulok bagkus ng mga Pilipinong nasa laylayan.