Ang Lumilisang Tinig ng Bayan
Written by Jan Rennie Abat • Art by Elyse Abadilla | 30 August 23
Sa mala obra maestrang pagkakakilanlan ng bansa na binubuo ng iba’t-ibang wika, tinig ng iilan ay unti-unting nawawala.
Tagalog. Bisaya. Ilocano. Iilan lamang sila sa mga wikang Pilipino na karamihan sa’tin ay nakaririnig at nakaiintindi. Ngunit sa kabila ng mga buhay na wikang nakasanayan sa pang araw-araw ay ang katotohanang may parte nito ang tuluyan nang humuhumpay – ang tinig ng labing-isang wikang katutubo.
(LABI)ng-isang wika
Ayon sa Summer Institute of Linguistics (SIL)’ Ethnologue 2022, ang Pilipinas ay tahanan ng 184 na wika kung saan 35 dito ang nanganganib mawala. Kinikilala naman ang Arta, Bontok ng Hilaga, Bontok ng Timog-kanluran, Dumagat-Remontado, Inagta Alabat, Katubung Agta, Ata, Ayta ng Sorsogon, Ratagnon, Tagbanwa Central, at Eskayan bilang ang 11 wika na buhay ay tuluyan nang matutuldukan.
Base sa kanilang pagsusuri, ang labing-isang wikang nabanggit ay mga “dying language” na siyang mga matatanda na lamang ang mga gumagamit at hindi na kaya pang buhayin muli sa pamamagitan ng intergenerational transmission. Samantalang ang 35 wika naman na nanganganib mawala ay dahil sa hindi na ito naituturo pa sa susunod na henerasyon ng kanilang komunidad.
“The loss of one language would be a loss to the overall body of knowledge,” saad ni Jesus Federico Hernandez, isang propesor ng Department of Linguistics sa University of the Philippines (UP).
Hindi nayayari sa isang iglap ang kamatayan ng wika – mabagal na kinikitil, bawat parte ay isa-isang nawawala. Kalimita'y mga kaalaman sa relihiyon ang unang biktima na siyang susundan ng mga salitang nagbibigay buhay at kahulugan sa sining at kultura ng mga mamamayan. At ang pinakahuling yugto ng pagkawala nito ay ang pagkalimot sa mga simpleng salita na siyang ginagamit upang makisalamuha sa iba. Ito ang sabi ng isang cultural anthropologist at propesor ng UP Department of Anthropology na si Nestor Castro.
Hindi rin madali ang pagligtas sa mga wikang nabanggit. Ayon kay SIL Philippines Language Assessment Specialist Rynj Gonzales, ang urbanisasyon na nagpapaalis sa mga indigenous groups sa kanilang mga lupain ang isa sa mga pinaka dahilan ng pagkawala ng wika. Kaya naman ay kailangan ng malawakang “interangency and intergenerational push.”
Tinig ng pag-asa
Sa kabila ng lumilisang tinig ng wikang katutubo, mayroong mga umaksyon upang matulungan isalba ang mga ito. Isa na rito ang Marayum na isang proyektong pinopondohan ng Department of Science and Technology (DOST).
Community-built online dictionary ang Marayum na pinangungunahan ni Mario Carreon na assistant professor ng Department of Computer Science sa UP Diliman, kasama ang iba pang dalubwika at computer scientists.
"Working with Marayum, I came to realize that we are a country of many tongues, but these tongues are slowly dying, and if we do not take an active stance to preserve it, future Filipinos will never be able to hear it," saad ng Chief Volunteer Contributor ng Marayum na si Adellsbi Lao. Dagdag pa rito ay ang paghikayat ni Lao sa mga kabataan na makilahok sa kanilang proyekto.
Ilan din sa mga aksyong isinasagawa upang maisalba ang wika ay ang Buhid Mangyan Dictionary ng komunidad ng Buhid Mangyan kasama ang UP Department of Linguistics, at ang Bahay-Wika project at Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Ayta Magbukun community noong 2017.
Sumasalamin ang bawat wikang bumubuo sa mala obra maestrang pagkakakilanlan ng mga Pilipino – isang bansang puno ng makukulay na mga kultura at buhay na wika. Ngunit sa paglipas ng panahon at sa pag-usbong ng panibagong henerasyon, nanganganib maglaho ang iilang wika na bumubuo rito. Gayunpaman, tulad na lamang ng iba’t-ibang proyektong naging tugon, buhay ang tinig ng pag-asang may wikang katutubong maisasalba.