Accla ng Maynila at kanilang “fight” sa labas ng paligsahan

Accla ng Maynila at kanilang “fight” sa labas ng paligsahan

Written by Raniel Paquingan • Board by John Ivan Pasion | 9 October 24

Kilala ang Maynila sa maiingay at magulo nitong kalsada, kasabay ng pagiging abala ng lungsod, abala rin ang sangkabaklaan sa pagtaguyod ng kanilang mga laban na hindi sarado sa komunidad na kinabibilangan. 

Sa katatapos lamang na Drag Race Philippines Season 3, apat sa mga kalahok ay mula sa Maynila. Ibinida nina Maxie, Angel, Popstar Bench, at Versex ang kani-kanilang natatanging sining, kulay ng bayang pinagmulan, at dahilan kung bakit sila pumasok sa paligsahan. 

𝗔𝗟𝗔𝗪𝗦 𝗚𝗔𝗟𝗔𝗣𝗔𝗣

Sa murang edad, namulat na ang tubong Santa Ana na si Maxie sa realidad ng buhay. Kasama ang kaniyang ama, bata pa lamang ay sumasali na siya sa mga paligsahan sa pag-awit bitbit ang hangaring makatulong sa pamilya. Dinala si Maxie ng kaniyang talento sa malalaking entablado hanggang sa irepresenta ang Pilipinas sa World of Wonder's Queen of the Universe.

Sa edad na 14, tumindig din si Maxie sa labang higit sa kaniyang pamilya. Bumida siya sa isang educational series sa Youtube na layuning magbigay-linaw at sapat na kaalaman sa mga paksang hindi gaanong napag-uusapan noong mga panahon na iyon tulad ng HIV at Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE).

Sa kaniyang pagiging kuya sa pamilya at gangsta sa Manila dahil sa kaniyang adbokasiya, talaga nga namang alaws galapap o walang papalag kay Maxie. 

𝗕𝗔𝗡𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗧𝗥𝗔𝗡𝗦𝗡𝗘𝗡𝗘

Nakababatang kapatid ni Maxie—ganito karaniwang kilalanin si Angel ng karamihan. Ngunit sa kaniyang talento, pinatunayan niyang hindi niya kailangang umasa sa popularidad ng kaniyang kuya at nagsimulang umukit ng sariling pangalan sa mundo ng drag. Higit pa rito, bukod sa pagiging hubadera at kwela sa kompetisyon, naging malinaw rin ang mensaheng nais iwan ng dalaga sa paligsahan at ito ay ipakita ang lakas ng trans

Bilang isang transgender, ibinandera at pinagningning ni Angel ang mga kulay bughaw, puti, at rosas sa bawat pagtatanghal. Tila anghel na lumipad ang panawagan na pantay na pagkilala at karapatan para sa mga miyembro ng kanilang komunidad. Sa pagiging taimtim ni Angel sa paghahatid ng kaniyang mensahe na tila isang Banal na Kasulatan na hindi maaaring talikuran, hindi maitatangging siya ay isang banal na transnene.

𝗞𝗜𝗟𝗢𝗠𝗘𝗧𝗥𝗢 𝗠𝗔𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗟𝗔𝗬𝗢 𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗟𝗔

Malaking pangalan sa industriya ang “Tala ng Sangkabaklaan” na si Popstar Bench. Nakilala siya sa pagiging impersonator ni Sarah Geronimo at sa kaniyang galing sa pagtatanghal, partikular sa pagsayaw. Hindi na katakataka kung bakit marami ang tumitingala sa ningning ng kaniyang tala. Ngunit sa pagpasok ni Popstar Bench sa kompetisyon, tila nabalutan ng dilim ang ningning ng mga bituin at hindi umayon ang mga tala sa nais ng pambato ng Santa Ana.

Gayunpaman, lingid sa ating kaalaman, may iba palang daan na nabigyang-liwanag. Bilang isa sa mga kilalang personalidad sa industriya at mayamang kasaysayan ng drag sa bansa, patuloy na iniilawan ni Popstar Bench ang daan para sa mga nakababatang henerasyon na nais pasukin ang mundong ito. Tila isang tala na kanilang maaaring sundan sa papasuking hindi katiyakan. Balutin man ng dilim o maging kilometro man ang layo, patuloy na magniningning ang talang si Popstar Bench para sa sangkabaklaan.

𝗙𝗥𝗢𝗠 𝗠𝗔𝗡𝗜𝗟𝗔 𝗧𝗢 𝗡𝗘𝗪 𝗬𝗢𝗥𝗞

Bitbit ang husay sa pag-istilo ng buhok, umalis si Versex sa Maynila at nagtungong Amerika para hanapin ang sarili at abutin ang pangarap. Doon nahanap niya ang pagyabong at tagumpay na hindi natagpuan sa Pilipinas. Naging kliyente niya lang naman ang mga artistang sina Liza Soberano, Megan Young, at Heart Evangelista. 

Hindi rin naging limitado sa kasikatan ng iba ang kaniyang karera, gumawa ito ng sariling pangalan bilang ramp model kung saan rumampa siya sa kilalang New York Fashion Week. Ang paglalakbay ni Versex mula Manila hanggang New York ay isang aral na huwag sumuko sa ating pangarap, huwag matakot na lumipad at maghangad ng mas mataas. 

Ipinamalas nina Maxie, Angel, Popstar Bench, at Versex ang kanilang puso sa kanilang sining gayundin ang puso sa kanilang sari-sariling adbokasiya. Ibinida nila ang hindi matatawaran na angking gilas ng isang Manileno at talento ng LGBTQIA+ community na kailangan nating kilalanin at irespeto. 

Hindi naging madali ang laban ng apat sa loob ng paligsahan, ngunit mas hindi magiging madali ang laban sa labas ng kompetisyong sinalihan. Ang mga mensaheng kanilang iniwan ay mananatili at paiingayin ng sangkabaklaan pati na rin silang iba ang kasarian at pagkakakilanlan. Sa kabila ng ingay at kaguluhan, mananatiling nakatindig ang mga accla ng Maynila para lumaban.