Pastil Para sa Pangarap
Written by Jamilla Marie Matias • Board by Angelle Valbuena | 1 October 24
Walang numero sa sipnayan at agham ang komplikado, ni teorya sa sibika’t kultura ang malabo sa estudyanteng nagpupunyagi at naghahangad na mairaos ang pag-aaral.
Kailan lamang, isang content creator ang sumikat online matapos pumatok sa panlasa ng masa ang kanyang simpleng negosyong kaakibat ay malalim na adhikain — makaipon upang makatapos. Siya si Yuan Aaroon Villamil, mas kilala bilang si “Yuan Fixed” (22), tao sa likod ng “pastil for my tuition.” Isang kabataang nagnanais maipagpatuloy ang pag-aaral, na ngayo’y ganap ng iskolar ng bayan sa Pamantasan.
Hakbang Panimula
Kapos sa pananalapi, tumigil sa pag-aaral si Yuan noong 2021 sa kanyang unang taon sa kolehiyo. Nasadlak man sa ‘di inaasahang pangyayari at kinailangan niyang sumalo sa mga gastusin ng pamilya, ginamit niya itong oportunidad para makapag trabaho upang makalikom ng pera at matustusan ang ilang pangangailangan sa kanilang tahanan. Sinubok niya ang kapalarang mamasukan bilang food service crew subalit dulot ng maling pagtrato ay nagpasya siyang umalis at naisipan na lamang magtinda ng pastil. Mitsa ng kanyang paghakbang upang simulan ang isang proyekto para sa sarili.
“Original no’n sa tito ko, sabay kami nag start. Nung nag-stop ako, nag-pastil kami no’n ng tito ko pero mabilis lang kasi nga umalis ako dahil kailangan ko ng sariling income,” aniya.
Bitbit ang adbokasiyang para sa lahat, ang kanyang sampung pisong pastil ang nagbukas ng pintuan para maipabatid niya sa madla ang kanyang inaasam. Buhat ng mga naglathala at sumubaybay sa kanyang kwento, dumami ang mga tumatangkilik sa kanyang produkto at naging daan upang makabalik siyang muli sa apat na sulok ng silid-aralan.
Sa kabila ng mga tinatamasa, hindi pa rin maiwasan na sumagi kay Yuan ang tanong na “inspiring ba yung kwento ko?” Gayunpaman, natutuwa siyang malaman na maraming nakapulot ng aral at inspirasyon ng pagsusumikap mula sa kanyang istorya.
Diskarte Para sa Diploma
Isang malaking tagumpay na ang magbalik-eskwela para kay Yuan kung kaya naman ang pagkakaroon ng diskarte’t diploma ay lubos na mahalaga sa kanya. Minamabuti niyang pagsabayin ang dalawa sapagkat ayon sa kanya higit na mas mabilis dumiskarte kung may baong diploma at kaalaman mula sa eskwelahan.
Ibinahagi niya rin na ang pagkamit sa diploma ay handog niya sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya sapagkat siya ang kauna-unahang makakapagtapos sa kanila. Dahilan kung bakit lubos niya ring pinagtutuunan ng pansin ang kanyang munting negosyo. Madalas tanungin si Yuan kung ano ang mas matimbang sa “diskarte” o “diploma” at ito ang saad niya:
“Mas mabilis dumiskarte kapag may background ka ng education tsaka may knowledge ka sa bagay pero pag alam mo sa buhay mo na walang-wala ka, didiskarte ka talaga eh. Parehas siya [importante] kung pwede namang mamili na pagsasabayin eh,” wika niya.
Nabanggit niya ang kahalagahan ng pagbabalanse ng oras sa pag-aaral at trabaho, pati na rin ang pag-iwas sa panggigipit sa sarili upang hindi mataranta at mapanatili ang kalagayang mental. Sa kabilang banda, inilahad niya rin na malaking tulong sa kanya ang pagkakaroon ng sapat na ipon upang higit na mapagtuunang pansin muna ang pag-aaral. Dulot umano nito, hindi na niya kailangan pang magahol sa oras kung kukulangin dahil siguradong mayroon siyang salaping dudukitin kapag kakailanganin.
Malayo na pero malayo pa
Sa halos tatlong taong paghinto sa pag-aaral, bakas kay Yuan ang pananabik sa muli nitong pag-apak sa paaralan. Ayon sa kanya, bagamat bumalik siya sa umpisa, hindi niya ito iniinda sapagkat tiyak niyang may tamang oras na sa kanya’y nakalaan.
“Excited ako grabe pumapasok ako ng 7AM kahit ‘di pa ‘yon oras ng klase ko tapos nasa library lang ako — nag-aaral kasi mahina ako sa pagkakabisado kaya inaaral ko talaga. Sobra ko talagang namiss ‘yung school, ‘yung socialization. Pero ‘di pa rin nag sisink in actually yung ano [makabalik sa pag-aaral] at nagawa ko siya nang mag-isa,” saad niya.
Lubos naman siyang nagpapasalamat sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanyang paglalakbay bilang isang iskolar ng bayan lalo na sa mga nagpaabot ng tulong pinansyal. Aniya, sa ngayon ay pasasalamat lamang muna ang kaya niyang maibigay na sukli sa mga ito kung kaya’t pagbubutihan niya ang kanyang pag-aaral upang makakuha ng magagandang marka.
“Alam ko lang gusto ko ‘yung isang bagay kaya gumagawa ako ng paraan. Kaya ayon, tuloy-tuloy lang. Noong una nga hindi ko alam na perseverance na pala yung ginagawa ko e. Basta mindset ko lang hindi pwedeng huminto umulan man o umaraw. Dagdag ko rin ‘yung tiwala sa sarili, ‘pag meron ka no’n sobrang powerful mo,” pagbabahagi niya.
Hindi man maiwasan ang ilang pambabatikos, isinasantabi na lamang niya ang mga ito. Sapagkat buo ang kanyang paninindigan na kaya niya at kakayanin pa niya. Ayon kay Yuan, ginagawa niya na lang itong motibasyon upang mas lalong lumaban sa buhay at upang mas may mapatunayan, hindi sa mga taong puno ng agam-agam bagkus para sa pansariling kapakanan.
Walang ibang hangad sa buhay si Yuan kung hindi ang makamtan ang kanyang pangarap na tila gintong toga’t diploma. Malayo pa ang kanyang tatahakin at marami-rami pa siyang pastil na gagawin, ngunit palagi niyang dadalhin ang mga natutunang aral at ang hangaring sa dulo ay may kasagutan din ang kanyang mga hiling at panalangin.
“Hindi pwedeng hindi ako maging successful. Hindi siya pwedeng hindi mangyari. ‘Pag di siya nangyari parang nonsense yung mga ginagawa ko ngayon. Tsaka ayon ‘yung pinagdaanan ko parang nonsense lang, parang tinapon ko lang lahat. Parang nag tayo ako ng blocks tapos tinumba ko lang. Dream ko maging successful ‘yon pangako ko sa sarili ko,” wika ni Yuan.
Pagsisikap at tiwala sa sarili. Dalawang kasangkapang kanyang natutunan upang malampasan ang mga mapapait na pagsubok na dumating. Sapagkat anomang hatid nitong lasa, tiyak niyang lahat ng ito'y may tamis na kapalit. Samahan lamang ng tiyaga at sipag sa paghalo’t paggawa.